Default Thumbnail

2 MILF patay, 4 sugatan sa pananambang sa Mamasapano

January 24, 2023 Zaida I. Delos Reyes 181 views

DALAWANG miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasawi habang apat na iba pa ang malubhang nasugatan makaraang tambangan ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Kinilala ni Maj. Saber Balogan, tagapagsalita ng 601st Brigade ng Philippine Army (PA) ang mga nasawi na sina Muhidin Kasanudin at Mackboy Mama.

Isinugod naman sa pagamutan sina Mistah Miguel Bukong, Baser Bukong, Badz Haron, at UsmanTawab, pawang mga miyembro ng MILF 105th base.

Ayon kay Balogan, dakong 9:00 p.m. nitong Lunes nang tambangan ng grupo ng BIFF ang mga miyembro ng MILF 10th at 118th base command na pinangungunahan ni Commander Tikaw sa Barangay Tukanalipao.

Gumamit ng improvised explosive device (IED) ang grupo ng BIFF na itinanim kung saan dadaan ang grupo ni Commander Tikaw.

Nagkaroon ng bakbakan na tumagal ng halos 30 minuto na ikinasawi ng dalawang miyembro ng MILF at ikinasugat naman ng apat na iba pa.

Hindi naman matukoy ng mga awtoridad kung may nasugatan sa panig ng BIFF bukod sa pagkakaroon ng mga bahid ng dugo sa direksyon kung saan tumakas ang mga ito.

Ayon kay Lt.Col. Nenjamin Cadiente, commander ng 33rd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA), agad na nagpadala ng puwersa ng militar sa lugar na silang tumulong upang madala sa pagamutan ang mga nasugatan.

Patuloy din ang isinasagawang pursuit operation ng militar laban sa mga tumakas na miyembro ng lokal na terorista.