MRT

2 lalaki nag-selfie sa riles ng MRT huli

May 12, 2021 Melnie Ragasa-limena 771 views

SA presinto bumagsak ang dalawang pasaherong lalaki na nasapul ng CCTV na bumaba pa sa riles ng Manila Metro Rail Transit System Line 3 (MRT-3) para mag-selfie nitong Linggo sa northbound ng Quezon Avenue station sa Quezon City.

Ang dalawang pasaherong lalaki ay nakilalang sina Jerald Oliva, 22, construction worker, at ang kasamang si Rey Llaso, 28, na isang tricycle driver.

Ayon sa Facebook post ng DOTr, bandang 7:15 ng gabi (May 9) nang mamataan ng mga guwardiya ng tren ang dalawang lalaki sa Quezon Avenue station (Northbound) sa aktong paglabag sa patakaran ng MRT-3 ukol sa pagbaba sa riles

“Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbaba sa riles ng MRT-3 sa mga hindi awtorisadong indibidwal sapagkat delikado ito at maaaring ikapahamak hindi lang ng susuway sa patakaran, gayundin ng iba pang pasahero sa linya,” ayon kay Transportation Asec. Goddes Libiran.

Dinala ang dalawa sa Quezon City Police District – Kamuning Police Station (PS-10) at sinampahan ng kasong paglabag sa Article 155 of the Revised Penal Code (alarms and scandals).