Default Thumbnail

2 Chinese POGO workers tumalon sa coaster, sugatan

November 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 295 views

SUGATAN ang dalawa sa siyam na Chinese nationals na hinihinalang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) matapos tumalon mula sa sinasakyang umaandar na coaster sa Barangay Tatalon, Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.

Agad namang nalapatan ng lunas ang mga biktimang sina Qing An Liu, 29, at Mao Zi, 29, ng nagrespondeng Barangay Public Safety Officers (BPSO) ng Bgy. Tatalon at emergency medical team.

Bukod sa dalawang tumalon na biktima, nagpulasan din ang mga kasama nilang pito pang Chinese na nakasakay sa coaster na nakilalang sina Du Qing Qing, 25, nakatira sa Jazz Residences, Nicanor St., Bel Air Makati; Yande Guo, 32; Weibin Du, 33; Xia Fang Yu, 34; Lin Hai Yong, 21; Yao Hui Lin, 33, at Han Wue Dong, 35-anyos.

Posibleng binalikan umano ng Pinoy na driver ang tumalon na dalawang pasahero kaya nagkaroon ng pagkakataon ang iba pang sakay na Chinese na makababa sa coaster at nagsitakas.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Galas Police Station 11 (PS-11), dakong alas-3:15 ng madaling araw (Nob. 16) nang maganap ang insidente sa harapan ng Chowking fast food restaurant na nasa kanto ng Araneta at Quezon Avenues, sa Bgy. Tatalon.

Nakuhanan umano ng CCTV (closed-circuit television) camera ng barangay ang pagtalon ng mga biktima mula sa bintana at gitnang bahagi ng coaster, na isang Hyundai County Deluxe.

Ayon sa isa sa mga nagrepondeng tauhan ng Barangay Tatalon, na-monitor ng mga rumurondang barangay tanod at Barangay Peace and Order Brigade ang pagtalon ng mga lalaki.

Paliwanag naman ng driver ng coaster, galing sila sa Pampanga ngunit hindi binanggit kung saan dadalhin ang mga sakay na Chinese.

Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, hinala nila na posibleng nagtatrabaho sa POGO ang mga dayuhan, matapos na madiskubreng may mga computers sa loob ng sasakyan, pero kinukumpirma pa ito.

Ang mga Chinese ay itinurnover na sa Anti-Kidnapping Group para sa imbestigasyon.