Rider Dead on the spot ang biktimang rider na residente ng Guiguinto, Bulacan matapos mabangga ng truck at magulungan ito. Kuha ni Jon-jon Reyes

MC rider nagulungan ng truck, dedo

November 16, 2022 Jonjon Reyes 598 views

NAMATAY agad ang isang 46-anyos na motorcycle (MC) rider nang bumangga at magulungan pa ng isang tractor head na may kargang trailer nitong Miyerkules ng umaga.

Ang biktima ay residente ng Sitio Lazo, Santa Rita, Guiguinto sa Bulacan ayon sa pulisya.

Sa inisyal na ulat, pasado alas 7:38 ng umaga nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng northbound lane ng Roxas Boulevard corner Pablo Ocampo Street Malate, Maynila.

Habang minamaneho ng biktima ang kanyang Honda Click motorcycle ay bumangga ito sa isang Isuzu tractor head na may dalang trailer at minamaneho naman ng tsuper nito na taga-San Ildefonso, Bulacan.

Kapwa umano binabagtas ng biktima at ng truck ang nasabing lugar subalit nang pagsapit sa kanto ng Pablo Ocampo St. ay aksidenteng tumama ang bahagi ng motorsiklo ng biktima sa kaliwang parte naman ng truck.

Bumagsak ang biktima at nawalan ng balanse at saka ito nagulungan ng truck na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

AUTHOR PROFILE