Default Thumbnail

Lalamove rider ginripuhan, dedo

November 16, 2022 Jonjon Reyes 254 views

UMABOT pa ng isang linggo bago binawian nang buhay ang isang padre de pamilya na delivery rider umano ng Lalamove, makaraang saksakin sa likurang bahagi ng katawan sa Tondo, Maynila.

Nauna rito, noong Hulyo 15, 2022, patraydor na inundayan ng saksak sa likurang bahagi ng katawan ang biktimang delivery rider sa Franco Street, Barangay 64 sa Tondo.

Mabilis na tumakas ang suspek na may alyas na “Putol” – na putol diumano ang kaliwang binti at iniwang duguan ang biktima.

Nagtulong-tulong ang mga kaanak at kapitbahay ng biktima na dalhin agad ang biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Sumang na nakipaglaban at nag-agaw buhay ng halos isang linggo.

Tuluyang pumanaw ang biktima bandang 5:20 a.m. ng Hulyo 22, taong kasulukuyan.

Dahil dito, naglabas ng warrant of arrest na si Hon.Josephina Eco Siscar, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 55 nitong Oktubre 10, 2022, at tinutugis na ang suspek na pawang nakatira sa Franco St., Tondo dahil sa kasong murder na walang inilaang piyansa.

Ang biktima ay may iniwang asawa at isang siyam na gulang na anak at hiling nito ang “hustisya” sa namayapang ama ng tahanan.

Patuloy ang manhunt operations ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, Raxabago Police Station sa ilalim P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., at P/Maj. Edward Samonte, hepe ng District Investigation Division (DID) ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT).

AUTHOR PROFILE