Default Thumbnail

2 Chinese POGO employees arestado sa pambubugbog

December 20, 2021 Melnie Ragasa-limena 229 views

ARESTADO ang dalawang Chinese national na kapwa empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) nang pagtulungang bugbugin ang isang Malaysian sa loob mismo ng tahanan nito sa Barangay Paltok, Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Dong Ting, 26, binata, Malaysian at residente ng One Capiz Residences, Capiz St., Brgy. Paltok.

Nadakip naman ang mga suspek na Chinese na sina Su Dalong, 31, at Dongxu Yang, alias “Ze Hao”, 23, kapwa nagtatrabaho sa POGO, at residente ng Kasara Building, na matatagpuan sa P. Antonio St., Brgy. Ugong, Pasig City, nitong Linggo (December 19) ng madaling araw.

Sa report ng Masambong Police Station 2 ng Quezon City Police District (QCPD), dakong 9 p.m. (December 18), ng maganap ang insidente sa tahanan ng biktima sa Brgy. Paltok.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Jeanbert C Malang ng Masambong Police Station, sa hindi pa malamang kadahilanan ay galit na sumugod ang dalawang Chinese sa bahay ng biktima at pinagtulungang bugbugin.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang unit Gold Calber .22 Revolver na Smith and Wesson, at dalawang piraso ng mga bala ng .22 Caliber.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kung ano ang motibo sa pambubugbog ng dalawang Chinese sa Malaysian.