Suspek Arestado ang dalawang suspek na karnaper matapos mahuli ang ninakaw na taxi na may GPS na naging susi sa pagkakadakip sa mga ito habang binabaklas na ang sasakyan. Kuha ni JON-JON REYES

2 arestado sa karnap na taxi dahil sa GPS

May 13, 2023 Jonjon Reyes 259 views

Suspek1DALAWA sa apat na hinihinalang karnaper ang natimbog sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Sampaloc Police Station (PS) 4, nitong Biyernes ng tanghali.

Ang mga nasukol na suspek, isang 27 at 25 anyos, at pawang nakatira sa Barangay 537 Sampaloc, Maynila.

Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang manhunt operation ng mga operatriba ng MPD sa dalawa pang suspek kabilang ang isang taxi driver umano.

Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Wilson Villaruel, station commander ng Sampaloc PS-4, bandang 11:45 ng tanghali, nang magreport ang isang taxi operator sa Calabash Police Community Precinct (PCP) MPD na sakop ng PS-4, sa diumano’y pagtangay sa isang puting Toyota Vios na taxi ng mismong suspek na taxi driver.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga kapulisan at dito nadiskubre na nitong Mayo 11, ay inarkila ng mga kaanak ng taxi driver ang sasakyan para magtungo sa Batangas City at magmula noon ay hindi na nakabalik at hindi na isinauli ang taxi.

Ngunit may nakapagsabi sa operator ng taxi na nakita diumano ang sasakyan sa isang lugar sa Lungsod Quezon.

Agad na nagtungo ang operator sa lugar at namataan nito sa tapat ng isang bahay sa Sta. Cruz Street sa Sampaloc at sa pamamagitan ng global positioning system o “GPS” na nakakabit sa kanyang taxi ay dito na nakita ang mga suspek habang binabaklas ang mga pintuan at hood ng sasakyan.

Dito na humingi ng tulong ang operator sa mga tauhan ni Villaruel at agad namang naaresto ang dalawa sa apat na suspek.

Matapos mai-blotter sa nasabing PCP ang insidente, ay itinurn over na ang dalawa sa himpilan ng PS-4, habang patuloy pang tinutugis ang mga kanilang kasabwat.

Agad naman nagpaabot ng papuri at pasasalamat si MPD Director P/BGen. Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng Sampaloc at kay Villaruel dahil sa agarang aksyon nito sa insidente.

AUTHOR PROFILE