18 years ang kailangan

February 2, 2022 Allan L. Encarnacion 246 views

Allan EncarnacionAMININ man o hindi ng mga anti-Duterte, ang halos anim na taon ni Mayor Digong sa Palasyo ng nagbigay ng bagong mukha sa ating bansa.

Sa infra, sa tulong ng triumvirate nila President Duterte, former Public Works Secretary Mark Villar at Transportation Secretary Art Tugade ay nakita natin ang pinakaagresibong mga pagawaing bayan sa kaysaysayan ng ating bansa.

Sa ekonomiya, umabot ang ating economic growth hanggang 6.7 to 6.9 bago mag-pandemic. Fastest economic growth ito sa Asya. Kung hindi nag-pandemic, mas matatag na sana ang bansa bilang middle income country mula sa dating 3rd world status.

Ang crime statistics, bumagsak ito sa pinakamababang level na hindi pa nadama ng mamamayan sa mahabang panahon. Ang matinding drug war ang naging dahilan ng malaking pagkabawas ng mga street at common crimes.

Ramdam hanggang kasuluk-sulukan ng bansa ang pagbaba ng krimen sa nakaraang mahigit limang taon. Hindi naman naging paraiso ang bansa pero puwede nating sabihing mas pumayapa ang paligid dahil sa matinding drug war ng gobyerno.

Sa korapsiyon, hindi natin masabing nagkaroon ng malaking pagbaba dahil marami pa rin namang magnanakaw sa gobyerno. Bagama’t naroon ang sinsiridad ni Duterte na puksain ang mga katiwalian, hindi naman masasabing nagtagumpay siya sa aspetong ito. A for effort pero D for results.

Pero hindi naman talaga kayang lutasin ang lahat ng problema ng bansa sa maigsing anim na taon. Ang totoo, kailangan natin ng 18 years ng continuity of good governance para maabot natin ang mas magandang estado ng bansa.

Kaya nga crucial ang susunod na labindalawang taon para sa dalawang magkasunod na bagong Presidente ng bansa. Kung sino man ang magiging kapalit ni Mayor Digong ngayong 2022 hanggang 2028, kailangan niyang magpokus sa maayos na pamamahala.

Burahin na ng incoming President sa kanyang isip ang paghihiganti, paghahati-hati at paglilingkod sa mga malalapit sa kanya. Kailangan niyang maging Presidente ng buong bansa at magkaroon ng imbentaryo sa mga dapat gawin sa susunod na anim na taon.

Kailangan niyang ipagpatuloy at dagdagan pa ang mga magagandang programa ng papalitan niyang administrasyon. Hindi na natin kaya pang mag-relax at maglaban-laban sa pulitikal na paniniwala dahil malapit na naman tayong maunahan ng mga kapitbahay natin sa Asian region.

Pagkatapos ng anim na taon, iyong next President sa 2034 ang magkakaroon ng bagong misyon para mabuo ang 18 years of good governance. Maaring ang iba sa atin ay hindi na ito abutan subalit ang importante ay mailagay sa magandang estado ang bansa para sa mga susunod na henerasyon.

Para sa bayan, magtulung-tulong na tayo pagkatapos ng eleksiyon.

allanpunglo@gmail.com