14 sabungero huli illegal na tupada

January 30, 2022 Edd Reyes 215 views

UMABOT sa 14 na sabungero ang nadakip sa magkakasunod na operasyon ng pulisya laban sa ilegal na tupada Linggo ng umaga sa magkakahiwalay na lugar sa Valenzuela at Malabon Cities.

Unang nadakip ng mga tauhan ng Valenzuela police ang limang lalaki sa ginawang operasyon dakong 10:10 a.m. sa Francisco St., Paso de Blas, Valenzuela.

Dakong alas-10:50 a.m. nang makatanggap ng reklamo ang Northern Police District- District Special Operation Unit (NPD-DSOU) hinggil sa ilegal na tupada sa Pinagpala, Pinalagad St. Malinta subalit paparating pa lang ang mga operatiba ay nagpulasan na ng takbo ang mga sabungero kaya’t dalawa lamang ang nadakip ng pulisya sa lugar. Nakuha sa mga ito ang P1,400 na pusta at dalawang patay na manok na pansabong na may nakakabit pang tari.

Sa Malabon City, nadakip ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang pitong kalalakihan sa aktong tumataya sa ilegal na tupadahan sa Block 48, Brgy. Longos dakong 10:20 a.m. rin ng Linggo. Sinabi ni Col. Barot na karamihan sa mga nagsusugal ay pawang mga residente ng Navotas at Caloocan at isa lamang ang naninirahan sa Malabon. Nakuha sa kanila ang P3,700 na taya at dalawang patay na manok na panabong na may nakakabit pang tari.

AUTHOR PROFILE