Posas

14-anyos, 2 kaberks nagnenok sa mga tepok

August 7, 2023 Steve A. Gosuico 187 views

GENERAL TINIO, Nueva Ecija — Tatlong lalaki, kabilang ang isang 14-anyos na menor de edad, ang inaresto ng pulisya matapos maaktuhang ninanakaw ang sari-saring steel grills na nagkakahalaga ng P15,000 mula sa isang musoleo sa isang sementeryo dito.

Kinilala ni police head Major Lawrence Lira ang mga suspek na may edad 22 at 20 at isang 14-anyos na pawang taga-Bgy. San Pedro ng bayang ito.

Ayon kay Lira, hinuli ang tatlo matapos ireklamo ni Rolly Realin, 38, ng Bgy. Rio Chico, General Tinio.

Humingi ng tulong si Realin matapos niyang mahuli sa akto ang tatlong suspek na ninanakaw ang mga steel grills at gate sa kanilang musoleo sa Ave Maria Cemetery sa Bgy. San Pedro noong Linggo ng 3:30 ng hapon.

Nahuli ng rumespondeng pulis ang mga suspek habang ikinakarga sa kanilang black Bajaj tricycle ang mga nasabing ninakay na steel items.

Kaukulang kaso ng theft ang isasampa laban sa mga suspek.

AUTHOR PROFILE