Crime

Pintor patay sa away-renta

August 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 199 views

Isang pintor ang binaril at napatay ng anak ng caretaker ng inuupahan niyang bahay sa Tanauan City, Batangas Linggo ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Lester Patega, 29, ng Barangay Bagumbayan, Tanauan City.

Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang suspek sa krimen na nakilalang si Alfred Landicho, 38.

Batay sa ulat, naganap ang krimen sa Barangay Bagumbayan, Tanauan City.

Bago ang insidente, nagtalo umano ang biktima at tatay ng suspect sa barangay hall dahil sa problema sa bayaran ng renta ng bahay.

Naayos naman ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawa pero bigla na lang binaril ng suspek ang biktima.

Natamaan din sa pamamaril ang isang bystander na nakilalang si Jaymar Dayan, 25.

Dinala ang dalawang biktima sa ospital pero hindi na umabot ng buhay ang pintor habang ligtas na ang tinamaan ng ligaw na bala.