Rape

13-anyos ‘ginahasa’ ng ‘chatmate’, 40, ng 7 araw

May 24, 2023 Melnie Ragasa-limena 439 views

NADAKIP ng pulisya ang 40-anyos na konduktor ng bus matapos umanong pa ulit-ulit na gahasain ang isang trese anyos na dalagita sa loob ng pitong araw.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 7610 (Anti-Child Abuse law) ang suspek na nakakulong na ngayon sa Galas Police Station.

Ayon sa pulisya, nagkakilala ang suspek at ang menor de edad na biktima sa social media.

Nitong Mayo 16, 2023 ay nagsabi ang suspek na gusto niyang makipagkita sa biktima.

Pinuntahan niya ang biktima sa pinapasukang paaralan at nagyaya na kumain sa isang fastfood restaurant sa Banawe, Quezon City.

Matapos kumain ay niyaya ng suspek ang biktima na maglakad sa park.

Habang sakay ng isang tricycle ay hinawakan na umano ng suspek ang dibdib ng dalagita.

Nagtangka ang biktima na sumigaw ngunit agad na tinakpan ng suspek ang bibig ng dalagita.

“Huwag ka ng sumigaw, sorry na gusto lang naman kita makasama at mamasyal tayo”.

Dahil sa takot ay naging sunud sunuran ang biktima sa gusto ng suspek.

Sa salaysay ng biktima, ilang motel umano ang pinagdalhan sa kaniya ng suspek at paulit ulit siyang ginahasa ng suspek mula Mayo 16, 2023 hangang Mayo 23, 2023.

Nakakuha umano ng tiyempo ang biktima na matawagan ang kaniyang lola habang natutulog ang suspek sa motel na kanilang tinuluyan sa Fairview.

Kinuha umano ng biktima ang cellular phone ng suspek at tinawagan ang kaniyang lola at sinabi kung nasaan sila.

Agad na humingi ng tulong ang matanda sa Galas Police Station na nagresulta sa pagkaka-aresto ng suspek at pagsagip sa dalagitang biktima.