Default Thumbnail

10 puga sa Pasay balik-selda na

April 5, 2023 Edd Reyes 263 views

BALIK kulungan na ang sampung mga “Persons Under Police Custody” (PUPCs) na tumakas sa detention facility ng Malibay Police Sub-Station 6 makaraang madakip ang pinakahuling tinutugis ng pulisya Martes ng hapon sa Pasay City.

Nadakip ng Trackers Team sa loob ng Sgt. Mariano Cemetery dakong alas-5:10 ng hapon ang huling suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa iligal na droga makaraang inguso umano ng isang impormante.

Martes ng gabi nang iharap ni Pasay City Police chief P/Col. Froilan Uy ang mga tumakas at muling nadakip na mga PUPCs kay Mayor Emi Calixto-Rubiano na kaagad nag-utos na ayusin ang lahat ng mga detention facilities ng mga Police Sub-Station upang hindi na maulit pa ang insidente.

Sinabi naman ni Southern Police District Director (SPD) P/Brig. Gen. Kirby John Kraft na bukod sa kinakaharap na mga kaso ng mga PUPC, pinakakasuhan na niya kay Uy ang mga tumakas ng direct assault, attempted homicide, evasion, at robbery with violence ang lahat ng mga pumugang detenido.

Maging ang duty jailer na binugbog at ninakawan ng service firearm at salapi ay mahaharap din aniya sa kasong administratibo bunga ng kapabayaan.

Napag-alaman na nagsilbing “utak” sa naganap na pagtakas ang isa sa mga PUPC na nadakip noong Martes ng umaga sa Apelo Cruz St., Bgy. 152.

Sinabi ni Uy na nagtataka siya kung bakit sa kabila ng pagiging maliit na lalaki lamang ng pangunahing suspek, ay siya ang kinatatakutan umano at sinusunod ng mga kasama niyang PUPCs.

AUTHOR PROFILE