‘Yang paliligo sa ilog
PUMUTOK na naman ang paliligo sa ilog ng Norzagaray Bulacan ng maraming tao na hindi pa malaman kung saang mga lugar nagmula ang mga naligo.
Bago nito ay ang pumutok ding paliligo ng daang mga tao sa Gubat sa Siyudad sa may lusod Caloocan.
Sa mga naganap na ito, tila laging nagugulat ang mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan ng Caloocan at Norzagaray. Para bang hindi nila sakop ang mga lugar na nabanggit.
Napakinggan ko ang mga interview mga lokal na opisyal at pakiramdam ko’y hindi nga nila alam ang nangyayari sa mga lugar na nasasakupan nila.
‘Ika nga’y usapin kaya ito ng “pagtulog sa pansitan?”
Kung mahigit isang daang tao ang dumadagsa sa isang lugar na bawal ang magkumpulan ang mga tao at ipinagbabawal pa ng IATF ang mass gathering, madaling mapansin ng mga pulis sa presinto at mga tanod sa barangay ang pagdagsa ng maraming tao at sasakyan.
At may tainga at pakpak ang balita!
Mataong lugar ang kinaroroonan ng Gubat sa Siyudad at di makaliligtas ito sa mga mata ng mga kalapit bahay at establisimyento. Alam naman natin ang mapanuring mga mata at bibig ng mga Pinoy.
Sa Norzagaray ay imposible ding hindi mapansin ng mga tagaroon ang mga sasakyan at mga taong pahangos sa isang lugar tulad ng ilog. Kaya maraming mga mata dapat muli ang nagtaka.
Napakainit ng panahon kung kaya hindi ko masisisi ang mga kababayan natin sa paghahanap ng mapapaliguan bukod sa mga banyo nilang nawawalan pa ng tubig. Pagod na rin sa lockdown ang mga Pinoy. Gusto nilang magsaya kahit saglit lamang sa labas ng kanilang masikip na bahay.
Ngunit mapanganib ang nangyari sa Gubat sa Siyudad. Hindi dumadaloy ang tubig sa pool di tulad sa ilog ng Norzagaray. Malaking posibilidad talaga ang hawahan ng Covid 19 at napatunayan na nga ayon sa balita mayroon na ‘umanong nagpositibo sa Covid 19 pagkatapos maswab test ang ilang naligo sa pool.
Wala pang balita kung mayron nang naswab test sa ilog ng Norzagaray. Napansin ko lang na tila ang mga kumpulan sa ilog ay pami-pamilya at may distansya ang mga ito sa mga kalapit-kumpulan. Hindi ko alam kung ito’y makababawas sa pagkakaroon ng hawahan ng virus o hindi. Bukod pa nga sa ang ilog ay patuloy na dumadaloy at isang saglit lamang ay napapalitan na agad ang tubig-ilog na dumapo sa katawan ng bawat isang naliligo.
Ang delikado ay alam nating kahit sa paliligo sa mga dagat, ilog, at pool, mahilig umihi dito ang mga Pinoy at kung anu-ano pa na dapat ay ginagawa lamang sa loob ng banyo, ‘Ika nga’y sumisimple.
Paano kung positibo pala ang isang taong nasa kumpulan at umihi at nainom ng isang nalligo sa kalapit-kumpulan? Problema na ito. Sana naman ay walang magkasakit sa kanila.
May implikasyong panlipunan ang mga pangayaring ito. ‘Yung mayayaman ay nakapupunta sa mga resort upang makaligo sa karagatan at sa swimming pool. Hindi pa nga mahigpit ang mga check point lalo na sa malalaking van at sasakyang masasabing “pang-may kayang” pamilya. Hindi katulad ng mga sasakyang pampasahero na inarkila lamang ng isang pamilya mahirap. Idinaos lang ‘ika nga.
Tunay na malaki ang agwat ng mayayaman at mahihirap dito sa bayan ni Huwan. Paano ko nalaman? Manood kayo ng You Tube at magbasa ng Facebook at malalaman n’yo kung sino ang may kakayahang magbakasyon ng isang linggo o higit pa sa mga mamahaling mga resort sa iba’t ibang lugar sa bansa. ([email protected])