Default Thumbnail

Bakit sobrang baba ang dating koleksiyon sa airport?

May 26, 2021 Allan L. Encarnacion 546 views

NAKINABANG nang husto ang national government sa liderato nila Transportation Secretary Art Tugade at Airport General Manager Ed Monreal.

Maraming dapat ipaliwanag ang mga nagdaang Transportation secretary at Airport GM dahil magmula 1996 hanggang 2015 o 19 years, umabot lamang sa P111.1 bilyon ang kanilang nai-remit sa national government.

Kumpara sa remitted nila Secretary Tugade at GM Monreal na P13.9 bilyon mula 2016 hanggang 2019 o tatlong taon lamang. Ayaw na sana nating hanapan pa ng paliwanag ang mga nakaraang pamunuan sa DOTr at MIAA pero hindi natin maiwasang magkumpara sa kanilang koleksiyon.

Tinanong natin si DOTr Assistant Secretary Goddes Hope Libiran kung saan nanggaling ang dibidendong ito kaya nagkaroon tayo ng idea kung paano nakulekta ang pondo na ipinadala nila Secretary at GM sa national government.

Ayon kay Asec Goddes, ang P13.9 billion ay combined three years collection mula sa bayad sa landing/takeoff fees ng mga airlines, parking and rental fees, mga rental ng mga business concessionaires at iba pang income-generating system sa paliparan.

Ibig sabihin, napaka-efficient ng palakad nila Sec Tugade at ni GM Monreal kaya may maayos na proseso ng koleksiyon at financial management ang mga ahensiya.

Huwag nating kalilimutan, sa mga nakaraan, palaging nababansagang worst airport ang NAIA bukod pa ang congestions at delayed flights. Bago mag-pandemic, nakasama na ang NAIA sa mga best airports matapos ang mga pagbabagong ipinatupad nila Tugade at Monreal.

Nakita rin naman natin nang personal ang pagbabago sa mga paliparan bago pa mag-pandemic. Maayos at marami na ang mga toilets, malamig na ang lahat ng parte ng paliparan dahil sa pagpapaayos ng airconditioning system sa ilalim ng liderato ni GM Monreal.

Nakapanghihinayang lang dahil nabalam ng pandemic ang patuloy sanang magandang koleksiyon ng MIAA. Pero sabi nga, pasasaan ba’t makababalik din tayong lahat sa normal.

Congratulations sa DOTr at sa MIAA.

[email protected]