Bustos Si Patrol Partylist representative at House Committee on Veterans Affairs and Welfare chairman, Rep. Jorge Bustos, sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa Capas National Shrine. Tiniyak ng solon na gagawin niyang prayoridad ang interes ng mga beteranong sundalo sa ika-19 na Kongreso.

‘WAR VETS’ INTEREST TINIYAK

April 13, 2023 Paul M. Gutierrez 258 views

Sa Kongreso

TINIYAK ni House Committee on Veterans Affairs and Welfare chairman at Patrol Partylist Rep. Jorge Bustos na magiging prayoridad ng Kongreso ang interes ng mga beteranong sundalo bilang pagkilala sa kanilang ginawang pagtatanggol sa kalayaan at demokrasya ng bansa sa mga nakaraang digmaan.

Sa kanyang talumpati bilang special guest at speaker sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan nitong Abril 11 na ginanap sa Dambana ng mga Bayani sa Capas, Tarlac, sinabi pa ng mambabatas na hindi sapat na gawing inspirasyon ng lahat ng Pilipino ang ginawang paglaban at pagbubuwis ng buhay ng mga sundalong Pilipino at kanilang pamilya simula pa noong panahon ng mga Kastila hanggang sa kasalukuyan. Aniya, dapat din umanong may kaakibat itong aksyon.

“Bilang kinatawan ng Patrol Partylist at bilang chairman ng Committee on Veterans Affairs and Welfare, ang inyong lingkod ay maninilbihan sa inyo sa pamamagitan ng pagdala ng ating mga problema sa bulwagan ng Kongreso at balangkasin ang mga panukala na makabubuti sa mga beterano at maging sa mga naiwang pamilya,” ani Bustos.

Ginawa ni Bustos ang talumpati sa harap ng may 1,000 kinatawan mula sa hanay ng mga beterano, foreign dignitaries at iba pang mga opisyales ng pamahalaan.

“I assure you that I will bring your concerns, our concerns, to Congress and address these swiftly,” dagdag pa ni Bustos.

Pinaalalahanan din ni Bustos ang Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na paigtingin pa ang pagpapakalat ng impormasyon sa hanay ng mga beterano at kanilang pamilya hinggil sa mga benepisyong dapat nilang matamasa katulad ng libreng pagpapagamot at ospital sa pamamagitan ng Veterans Medical Memorial Center (VMMC) sa Quezon City.

Kaugnay nito, nanawagan din si Bustos sa hanay ng mga beterano at kanilang pamilya na agarang iparating sa kanya ang kanilang mga suhestyon upang mabilis ding masolusyunan ang kanilang mga problema at mapatibay pa ang mga programang magtataguyod ng kanilang interes.

Ang Araw ng Kagitingan ay opisyal na ginaganap tuwing Abril 9, matapos sumuko ang mga pwersang Amerikano at Pilipino sa Bataan sa pananakop ng Imperyalismong Hapon noong 1942.

Sumunod na buwan, Mayo 6, sumuko na rin ang mga natitirang sundalong Pilipino at Amerikano sa Corregidor upang maging ganap ang pagsakop ng Hapon sa Pilipinas noong World War 2.

Itinayo naman sa Tarlac ang Capas National Shrine matapos ang digmaaan bilang pag-alala sa libo-libong mga sundalong Pilipino at Amerikano na namatay sa ‘Death March’ mula Bataan hanggang Capas matapos ang labanan sa Bataan peninsula.

AUTHOR PROFILE