Default Thumbnail

Wanted na terorista arestado sa gitna ng Pista ng Itim na Nazareno

January 11, 2023 Jonjon Reyes 192 views

PASOK sa bitag ng Manila Police District (MPD) Barbosa Police Station (PS) 14 ang isang 43-anyos na suspek na top 2 “most wanted person” matapos na maaresto ito sa kasong mga kasong murder sa Basilan nang masundan ito sa Quiapo, Maynila habang nasa kasagsagan ng pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno.

Ang suspek ay may asawa, jobless, tubong Sumisip, Basilan at umano’y kasapi sa Yakan Ethnic Group at nanunuluyan sa Maharlika Village, Taguig City.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, station commander, dahil sa pinaiiral na “Simultaneous Anti- Criminality Law Enforcement Operation” (SACLEO) na direktina ni MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon, walang humpay ang ginagawa nilang pagtugis sa mga masasamang elemento at wanted sa batas.

Ayon sa isang impormante, ang suspek umano ay sangkot sa iba’t-ibang krimen at kabilang umano ito sa mga karumal-dumal na gawain sa Basilan.

Ayon sa mga awtoridad, kasapi din diumano ito sa mga teroristang grupo sa Mindanao base na rin sa mga operatiba ng intelligence community.

Ang suspek ay nagtago sa Metro Manila at namataan matapos ang masusing surveillance ng mga awtoridad.

Bitbit ang arrest warrant ng District Investigation Division ng Quezon City Police District (QCPD-DID) at inasistihan ito ng ilang tauhan ng Station Intelligence Unit, Warrant and Follow-Up Section ng MPD PS 14, habang nakaantabay ang mga tauhan ng Tactical Motorized Rider Unit (TMRU.)

Natunton ng mga operatiba ang kinaroroonan ng supek sa panulukan ng Elizondo at Arlegui Streets sa Quiapo, habang nasa kasagsagan ng pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno nitong Lunes ng umaga, Enero 9.

Ibinaba ang warrant of arrest ni si Presiding Judge Danilo Baloy ng Regional Trial Court Branch 2 ng Isabela City, Basilan na may petsang Hulyo 13, 2015 sa kasong murder at frustrated murder na walang inirekomendang piyansa.

Ayon naman kay Police Major Philipp Ines ng MPD Public Information Office (PIO), lubos ang pasasalamat ni Dizon kay Mupas at sa mga tauhan nito dahil sa patuloy na pagsugpo sa mga kriminal na nagtatago sa Lungsod ng Maynila.

Sinabi naman ng MPD PS 14 station commander na walang puwang ang mga kriminal sa kanyang nasasakupan na palaging pinaiiral bukod sa SACLEO ang “B-raveness and A-lertness with a R-eliable and B-elievable O-peration S-ervice in A-ction” o BARBOSA.

AUTHOR PROFILE