Default Thumbnail

Basurero nagbantang ikakalat ‘sex video’ ng GF, timbog

January 11, 2023 Melnie Ragasa-limena 388 views

ARESTADO ang isang 21-anyos na basurero nang pagsamantalahan umano ang 13-anyos na girlfriend at pagkatapos ay pinagbantaan pang ikakalat sa social media ang kanilang “sex video” umano sa Quezon City, Martes ng gabi.

Ang nahuling suspek ay binata, basurero, at nakatira sa Barangay Payatas, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13), bandang 6:30 ng gabi (Enero 9), nang maganap ang insidente sa mismong tahanan ng suspek sa nasabing lugar.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Claire D. Benavidez ng Women and Children Protection Desk ng PS 13, naging magkasintahan umano ang suspek at ang biktima pero nakipag-break ang huli.

Makalipas lamang ang ilang araw, niyaya umano ng suspek ang biktima sa kaniyang bahay at doon ay nakiusap ito na magbalikan na sila na at pumayag naman ang dalagita.

Doon ay sinimulan nang paghahalikan ng suspek ang dalagita na hindi naman tumanggi sa ginagawa ng kaniyang boyfriend, hanggang sa tuluyan nang mailugso ang puri ng biktima.

Matapos na mairaos ng suspek ang pagnanasa sa biktima ay pinagbantaan niya itong ikakalat ang kanilang sex video sa social media kapag sinabi sa kaniyang mga magulang ang nangyari sa kanila.

Pero pag-uwi ng dalagita sa kanilang tahanan ay agad siyang nagsumbong sa kaniyang mga magulang dahilan upang ipaaresto ang nasabing basurero.

Nakapiit na ang suspek habang inihanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.