Default Thumbnail

‘Wag sanang ma-COA ang Comelec!

August 21, 2021 Marlon Purification 526 views

Marlon PurificationMAINIT na usapin ngayon ang report ng Commissions on Audit (COA) kaugnay sa mga kuwestiyunableng transaksiyon ng Department of Health (DOH), Department of Budget and Management Procurement Service (DBM-PS), Overseas Workers Welfare Adminstration (OWWA) at Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa DOH ay tumataginting na P67.3 billion ang naka-red flag mula sa Bayanihan Funds; may P1.1 billion para sa umano’y overpricing price ng face shields at ang P700 million na halaga ng mga laptop ang binawi rin ng nasabing tanggapan.

Ang DBM ay may P95.46 million na ‘slow moving funds,’ ang OWWA ay bumili ng P1.2 million na halaga ng sanitary napkins mula sa isang hardware, gayundin ang DICT na bumili rin ng mga laptops, tablets, pocket wifi sa isang construction firm.

Sabagay, wala namang direktang sinabi ang COA na may anomalya agad sa mga naturang ahensiya at gumugulong na rin ang imbestigasyon hinggil dito.

Kaya sa pagkakataong ito, gusto nating samantalahin ang nagaganap na bidding ngayon sa Commission on Elections (Comelec).

Noong nagdaang Martes, Agosto 17 ay nagkaroon ng online bidding sa Comelec na pinangungunahan ng Bids and Awards Committee (BAC) sa tulong ng Microsoft teams para sa indelible stain ink.

Napakahalaga ng indelible ink dahil ito ang ginagamit ng mga botante ngayong halalan upang ilagay sa ating mga daliri bilang patunay na tapos na tayong makaboto at hindi na maaaring makaulit pa.

Kaya importante ang kalidad nito na hindi na basta-basta mabubura ng sabon, alcohol, chlorox o kung anu-ano pang chemical nang maiwasan ang flying voters.

Anim na kompanya ang sumali sa nagdaang bidding. Ito ay ang Marketing, T and E Enterprises, ASA Color, Arik General Merchandising, Topbest Printing, at MCX International.

Nabatid na agad na nadiskuwalipika sa bidding ang Ideal Marketing and Arik General Merchandising dahil sa isyung teknikal. Habang pinagbigyan naman ng Comelec ang ASA Color, T and E Enterprises, Topbest Printing, at MCX International na magpresinta ng sampol ng kanilang mga indelible ink sa mga susunod na araw.

Dito dapat maging maingat ang ating mga Comelect oficials. May impormante ang nagbulong sa atin na dapat suriing mabuti ang kuwalipikasyon ng bawat ‘pumasang’ kontratista.

Sinabi ng source na nagsumite ang T and E ng mga dokumento na nagkaroon sila ng ‘single largest contract’ na nagkakahalaga ng P19.5 milyon. Nagprisinta sila ng sales invoice na nagpapakita na ang mga ito ay non-VAT.

Kung sila ay non-VAT company, nararapat na hindi lalagpas sa P3 milyon ang kanilang gross receipt, ayon na rin sa itinatadhana ng BIR Rule, Revenue Regulation 16-2005.

Nagpakita rin umano sila ng Mayor’s permit na may gross receipt na “0” ngunit may kinita silang P10 milyon base sa kanilang audited financial report. Nagpapakita umano ito na wala silang idineklarang kita.

Apat na empleyado lamang mayroon ang T and E kaya nakapagtataka rin kung papano sila makakakuha ng P72 milyong kontrata sa COMELEC.

Para naman sa MCX International, napag-alaman natin na ito’y kompanya ng motorsiklo.

‘Wag sanang kalimutan ng Comelec na pinagtatawanan ang OWWA at DICT ngayon kasi sa hardware at construction firm sila bumili ng sanitary napkins at mga laptop computers.

Kung totoong motorsiklo ang kanilang pangunahing produkto, ano ang gagamiting indelible ink? Brake fluid ba?

Oo, may ka-joint venture silang Yuyao Fair Stationary Company na nakabase sa China. Pero election po ito. ‘Wag natin kalimutan na sobra-sobra nang napa-praning ang taumbayan kapag Chinese ang may patakbo ng kompanya sa bansa.

Puwede namang Pinoy, ‘wag naman sana China at sa Comelect pa.

Bago magalit sa akin ang T and E at MCX company, mga boss, kailangan n’yo pong patunayan sa Comelec na mali ang mga iniisyu laban sa inyo.

Sa Comelec naman, ingat po para naman hindi magkaroon ng pagdududa ang gaganaping Halalan 2022.

Nakahanda po ang ‘Uncovered’ sa anumang sagot at reaksiyon ng T and E at MCX company para maibigay ang kanilang panig.