Showtime1

Vice sa ‘Showtime’ family: Walang iwanan

June 21, 2023 Vinia Vivar 218 views

Kaugnay ng mga bagong kaganapan, naglabas ng open letter si Vice Ganda para sa Madlang People at sa kanyang It’s Showtime family.

As we all know, hindi na nga mapapanood ang noontime show sa TV5. Sa halip ay sa GTV ng GMA-7 na ito iere simula sa July 1.

“Alam kong nagulat kayo. Naguguluhan. Natatakot. Nalulungkot. Naiiyak. Haaaaay! Hingang malalim. May kaguluhan at kabilisan ang mga ganap,” simula ni Vice sa kanyang Instagram post.

“Ganunpaman, kalma lang (at least try). Nakakabigla man ang mga nangyayari, sabi nga ng linya ko sa kanta natin, ‘Basta’t kasama Kapamilya, kahit ano pa ‘yan kayang-kaya!’ Sa dami ng mga pinagdaanan natin, kering-keri na natin ‘to,” patuloy niya.

Sa rami raw ng mga nalampasan nilang pagsubok, ang ganitong bagay ay ‘tapik’ na lang.

“Naranasan na natin ang ma-torture, mabugbog, ilibing nang buhay. Ngayon pa ba! Tapik na lang ‘to! Madami mang walang kasiguruhan, pero sigurado akong mahal tayo ng minamahal nating Madlang People. At ang pagmamahal na yun ang bumuhay satin sa bawat paghihingalong naranasan noon. Ang puso ng Madlang People ang TOTOONG TAHANAN natin,” aniya.

Nangako rin ang Unkabogable Star na hindi niya iiwan ang It’s Showtime family.

“Kaya tuloy lang. Patuloy tayong magpasaya at magbigay ng pag-asa. Maniwala ka, ‘Ituloy lang ang sikap, sa dulo’y kikislap!’ Sa oras ng iyong panghihina at pagkalito ay sasamahan kita.

Bubuhatin natin ang isa’t isa.”

“Itataguyod kahit anong pagod. ‘Di kita iwan. Pahirin mo ang iyong luha. Itutuloy natin ang saya. Dito at doon. Damhin mo ang mahigpit kong yakap. Mahal na mahal kita!” pahayag ng TV host.

Sa huli ay nag-iwan siya ng quote na, “Life is fascinating and makes you grateful. When it takes one thing from you it always replaces it with something else.”

AUTHOR PROFILE