Vhong

Vhong, emosyonal sa pagbabalik- ‘Showtime’

January 16, 2023 Ian F. Fariñas 338 views

EMOSYONAL si Vhong Navarro sa kanyang pagbabalik sa Kapamilya noontime show na It’s Showtime kahapon matapos ang ilang buwang pagkawala kaugnay ng pagkakakulong sa kasong rape na inihain ng modelong si Deniece Cornejo.

Mainit ang naging pagsalubong kay Vhong ng Showtime mainstays sa pangunguna nina Vice Ganda at Anne Curtis.

Maging ang Madlang Pipol sa studio, tila nasabik na muling mapanood nang live ang comebacking Kuys ng show.

Si Ogie Alcasid, tinawag pang “miracle” si Vhong at garalgal ang boses na nagpasalamat dahil bumalik na nga ito sa programa.

“You’re a miracle, bro!” ani Ogie. “At salamat sa Panginoon, God is good!”

Matapos kantahan ng I’ll Be There For You (original hit ng grupong The Moffats), sinabi ni Vhong na, “Wow! Alam n’yo share ko lang din konti, pagpasok ko dito sa ABS, sinabi ko ayaw kong umiyak. Ayaw ko umiyak. Kasi ito ‘yung pangalawang bahay ko, eh. Dito, kung anuman ang pinagdadaan ko sa buhay, tanggap ka rito, dahil ito’y mga kapatid ko. Dito ‘yung pamilya ko. At kasama roon ang Madlang Pipol. Extension kayo ng pamilya ko. Kaya lang, pagdating ko dito sa backstage, wala, eh. Talagang kailangan… bumabagsak talaga siya, eh. Sabi ko, i-lock ko muna, pin code ko muna, kalimutan ko ‘yung password para ‘wag siyang pumatak, pero pumatak pa rin po siya. Ang sarap ng pagtanggap n’yo sa akin. Hindi ko alam kung papaano ko kayo pasasalamatan, sa mga taong nagdasal, naniwala at hindi ako iniwan.”

Inamin din ni Vhong na nu’ng panahong siya ay nakakulong sa NBI at Taguig City Jail, iniwasan niyang manood ng Showtime.

Kwento niya, “Hindi kasi ako nanood ng Showtime nu’ng nasa loob ako kasi ayokong makadagdag na… nami-miss ko kasi kayo, eh. Ayoko, nalulungkot ako lalo. Kaya iniiwasan kong manood.

Kaya siguro sabi ko, manonood na lang ako ‘pag nakalabas ako. Kaya paglabas ko, hindi ko pa nga kayang bumalik pala agad. May mga prosesong kailangan pang gawin. Pero mabait ang Panginoon, eh. Talagang hindi Niya ako pinabayaan kaya ‘andito ako uli. Kaya maraming salamat sa ABS dahil meron pa rin akong trabaho at ‘andito pa rin ‘yung pamilya ko.”

Ayon naman kay Vice, lagi silang magkausap ni Vhong kahit pa nakakulong ito.

Hindi nga raw maiaalis sa TV host-comedian na matakot dahil hindi niya alam kung ano at pa’no siya tatanggapin ng publiko paglabas niya.

Dugtong ni Vice, “Paulit-ulit ko lang pinapaalala sa kanya, ‘alam mo, kung makakabawas sa bigat o makakadagdag sa kumpiyansa mo, gusto ko lang malaman mo na sa lahat ng mga nangyayaring ito, mas nararamdaman namin kung gaano ka nila kamahal.’ ‘Yung mga tao, we don’t really read comments all the time. Pero ‘yung tungkol sa ‘yo, ako, lagi akong nagbabasa. Tinitingnan ko kasi kung ano ang mga sinasabi nila about you. Kasi, ‘di ba nga, sabi ko nga sa ‘yo, parang more than 95 percent ng comments na nababasa ko, puro tungkol sa pagmamahal sa ‘yo, sa suporta sa ‘yo.

“Kaya hindi rin magiging mahirap sa ‘yo kung paano mo haharapin ang kasalukuyan at ang bukas, dahil ‘yung mga tao, inaabangan ka lang nila para muli ka nilang yakapin, mahalin at suportahan,” aniya pa.

Description ni Vhong, para siyang nabagsakan ng mundo nu’ng nasa loob. Nakita raw niya ang hirap ng mga kasamahan niya roon, mga inmates na walang dumadalaw o kaya naman ay iniwan na ng pamilya.

“’Yung iba parang, parang katulad ko na wala namang ginawa pero nandoon. Ano ka, eh, ite-test ka talaga ni God kung ano ‘yung faith mo sa Kanya. Kaya sabi ko kay Kuya Ogie, ang hope at faith dapat magkasama ‘yan, hindi pupuwedeng merong isa lang d’yan ang mas mataas, dapat parehas, pantay ‘yan.

“So, kumapit ako sa Panginoon, kumapit ako sa asawa ko, sa mga anak ko, sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko at sa mga taong nagdadasal, sa lahat ng naniniwala sa akin,” diin ni Vhong.

Patuloy daw siyang lumaban at lalaban pa para malampasan ang mga problemang pinagdadaanan niya at ng kanyang pamilya.

Sa ngayon, nakakalaya si Vhong sa bisa ng P1 milyong piyansa na inapela ng kampo ni Deniece pero dinenay ng korte.

AUTHOR PROFILE