Valeen

Valeen, plakado si Dra. Minguita

January 7, 2022 Ian F. Fariñas 232 views

HINDI akalain ni Dra. Minguita Padilla, ang opthalmologist-health advocate-Covid-19 crusader na kumakandidato sa pagka-senador sa 2022 elections, na maisasapelikula ang buhay at adbokasiya niya.

Kaya naman ganu’n na lang ang tuwa’t pasasalamat niya sa producer/writer nitong si Rossana Hwang ng Kapitana Media Entertainment dahil impressive ang 45-minute short biopic na Liwanag:

The Life and Legacy of Dra. Minguita Padilla na nagkaroon ng virtual media premiere kamakailan.

Puring-puri niya ang bidang si Valeen Montenegro dahil plakadung-plakado raw siya sa tunay na buhay.

“I am very grateful to those who put this project together. I know it was because they truly care for me and they know my heart and my reasons for taking a very big risk, leaving my comfort zone and running for public office,” ani Dra. Padilla.

Tatlo umano ang pinagpiliang aktres na gaganap sa karakter niya, pero ang Kapuso actress ngang si Valeen ang naging final choice.

Cute ang kwento ni Dra. Padilla kung paano napili si Valeen.

Aniya, “‘Yung isa, medyo mukhang masungit. The two (actresses) left, I asked my helpers kasi I don’t get to watch TV. I don’t have time. Tinanong ko sila kung sino sa dalawa ang papanoorin nila kung magkaroon ng sine. And hands down, ‘Ay, si Valeen! Si Valeen!,’ sabi nila.

Pati ang driver daw niyang si Ben, na may maikling partisipasyon sa Liwanag…, boto kay Valeen dahil, “Crush ko ‘yan, Ma’am! Crush ko ‘yan!”

Ipinapakita sa Liwanag: The Life and Legacy of Dra. Minguita Padilla kung paano nagsimula ang doktora bilang masigasig na Medical student hanggang sa maging public health advocate at ngayon nga’y isa sa mga sikat at aktibong Covid-19 crusader.

Directed by Rember Gelera, mapapanood ang nasabing short film via streaming sa Facebook pages/YouTube channels ni Dra. Minguita, HeSaidSheSaidPH, Kapitana Entertainment Media at PadayonTaPage.

AUTHOR PROFILE