Angelica

Angelica sign off na bilang ‘patron saint ng mga broken hearted’

April 25, 2024 Vinia Vivar 51 views

Halatang nasa cloud nine pa rin si Angelica Panganiban sa katatapos na second wedding nila ng non-showbiz husband na si Gregg Homan dahil hanggang ngayon ay panay pa rin ang post niya ng mga larawan at pasasalamat sa mga nakibahagi sa memorable event.

In her latest post ay ang kanyang ina naman ang kanyang binigyang-pugay. Pinasalamatan niya ito sa ginawang pagpapalaki sa kanya nang maayos.

“Mama, alam ko kung gaano ka kasaya. Nauwi ako sa tamang tao. Madalas tayo mag biruan, sinasabi mo na alagaan ko si gregg at UMAYOS AKO 😉 ang sagot ko naman, maaa, dead na dead yan sakin 😂 pero ang totoo, hindi ako magiging sapat na mama ni bean ngayon at may bahay ni gregg kung hindi mo ko napalaki ng tama,” anang aktres.

“Lahat ng meron ako ngayon ay pasasalamat ko sayo. Ikaw ang kayamanan ko na kaya kong ipagmalaki kahit kanino dahil ang lahat ng aral na napulot ko sayo ang ipapamana ko sa pamilya ko.

“Hindi ako perpekto at ideal na anak. Matigas ang ulo ko at madalas nilalaban ko ang mga gusto kong subukan. Pero hindi mo ko pinigilan o sadyang wala ka na lang nagawa,” patuloy pa niya.

“Salamat at hinayaan mo kong subukin ang lahat para sa ikakatapang ko. Mahal kita ma,” ang mensahe ni Angelica sa ina.

And of course, pinasalamatan din niya ang kanyang asawa na aniya ay tumapos ng kanyang sad girl era.

“Ito na ang tamang pagkakataon para magpasalamat tayong lahat kay Gregg! Tinapos niya ang sad girl era ko 😅,” sey ni Angelica.

Ngayon ay hindi na raw siya patron saint ng mga broken-hearted at iniiwan na niya ang kanyang titulong ito. Nagbiro pa ang aktres kung sino ang gustong sumalo ng kanyang korona.

“Ang patron saint ng mga broken hearted now officially signing off. Sino gusto sumalo ng korona,” saad ng aktres.

Maging ang mga netizens ay masayang masaya sa kaligayahang nararamdaman ni Angelica dahil deserve na deserve raw ng aktres ang maging masaya.

AUTHOR PROFILE