TWG Source: FB

TWG ng DOTr pinatatapos na ang pag-aaral sa MC Taxi

April 2, 2024 Edd Reyes 110 views

HINIMOK ni Senator Grace Poe ang Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) na nangangasiwa sa pilot study ng Motorcycle (MC) Taxi na tapusin muna ang kanilang trabaho bago pagplanuhang palawakin pa ang programa.

Sa pagdinig kamakailan ng Committee on Public Services na kanyang pinamumunuan, sinabi ng Senadora na kinakailangan ang masusing pagpa-plano pati na rin sa pag-aaral sa daloy ng trapiko para matiyak na epektibo ito, hindi lang sa mga mananakay, kundi maging sa service provider.

Nauna ng ipinahayag ni Poe ang mabilis na pag-aaral sa naturang programa matapos lumabas sa mga survey na mas tinatangkilik ng mga commuters ang MC Taxis kaya’t kinakailangan ang agaran nitong pagsasa-ayos upang matiyak ang kaligtasan ng dumarami nilang parokyano.

Batay aniya sa pag-aaral ng Global Status Report for Road Safety ng World Health Organization (WHO),30-porsiyento ng mga sakuna sa lansangan na nagdudulot ng kamatayan ay mga behikulong may dalawa hanggang tatlong gulong tulad ng mga motorsiklo, e-bikes at scooters at ito’y patuloy pang nadaragdagan. Bukod aniya sa kailangang maging legal ang ganitong hanapbuhay, kinailangan ding maipatupad ang mataas na antas ng kaligtaan ng mga pasahero upang makatotohanan na ito nga ang alternatibong paraan para sa mabilis na pagtahak sa paroroonan.

Maging si House Committee on Metro Manila Development (CMMD) Chairman Manila 3rd District Cong Joel Chua ay nagpahayag din ng pagpapatigil sa pagpapalawak ng operasyon ng MC Taxi sa Metro Manila bunga ng paniwalang lalung sisikip ang daloy ng trapiko, madaragdagan ang aksidente sa lansangan at makakaapekto rin sa kabuhayan ng sektor ng transportasyon.

Habang patuloy ang pag-aaral sa programa, dumarami naman ang ilang grupo ng transportasyon at commuter advocates na nanawagan sa pagpapatigil ng pagpapalawak ng programa kabilang na ang Coalition of Transport Sectors (CATS) na umapela kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, ng kahalintulad na panawagan at sa halip ay gawin ito pagpapalawak sa labas ng Kamaynilaan.

Ang Pangulo naman ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) na si Ariel Lim, nanawagan sa LTFRB na tapusin muna ang pilot study bago tumanggap ng bagong aplikasyon.

Ang panawagan ni Lim ay bunsod na rin ng napaulat na pagpapahintulot umano ng LTFRB na makapasok sa programa ng MC Taxi ang apat pang kompanya, maliban sa kasalukuyang tatlo na binigyan ng akreditasyon.

Ilan sa mga ito umano ang operators ng Dingdong, Xpress, Grab Bike, at Maxim.na maidagragdag sa unang talong service provider na Angkas, JoyRide at Move It.

Taliwas naman ito sa naging pahayag ni LTFRB Chair Teofilo Guadis na inihinto na nila ang pagpapalawak pa ng dami ng players dahil magsusumite na sila ng rekomendasyon sa buwan ng Mayo sa Kongreso.

AUTHOR PROFILE