Default Thumbnail

Tutugon ang Pinoy sa hamon ng mundo!

December 8, 2023 Allan L. Encarnacion 170 views

Allan EncarnacionParang naiipit sa nag-uumpugang bato ang ating bansa. Literal na napisa!

Ang atin daw mga kabataang mag-aaral ay kulelat sa mga aspeto ng kalinangan mula sa pagbabasa, siyensa at matematika.

Sa 2022 Programme International Student Assessments o PISA, masama ang naging estado ng ating mga estudyante kung ikukumpara sa mga inaral na mga kahanay at kasabayan nila sa 80 bansa. Hindi natin alam kung saan sila kumuha ng mga batang sinuri pero hindi naitn kukuwestiyunin ang naging resulta ng pag-aaral.

Kailan lang, mismong mga group of employers ang nagsabi na maraming mga Grade 12 graduates ang mahihina at hindi employment -ready kaya hindi sila kumukuha sa mga ito na ganito lang ang tinatapos. Pero noong sinisimulan ang formulation at programming para sa K12 mga 11 years ago, sinabi ng pamahalaan na puwede nang magtrabaho ang Grade 12 graduates.

Sa ibang sektor naman ng mga employers, ang nagiging problema sa kakulangan ng mga work forces ay ang mismatching o mga kakulangan ng mga aplikante na tugma sa kailangang trabaho.

Kapag ganitong mga balita ang makikita mo, iisipin mong masyadong dehado ang ating bansa kung aspeto ng future progress at future-ready ang usapan.

Ang pambalanse naman natin dito, maraming mga engineers, architects, mga teachers, mga nurses at iba pang professional sa iba’t ibang parte ng mundo ang sinasandalan para sumigla ang kanilang ekonomiya. Halimbawa na lamang ay ang Dubai, Qatar, Saudi Arabia, Amerika at ibang lugar sa Europa.

Idagdag mo pa rito ang malakas na hataw ng ating mga domestic helpers, factory workers, constructions workers at hospitality services crew na bumubuhay sa maraming industriya sa mga bansa sa ibayong dagat.

Pero babalik pa rin tayo sa katotohanang mayroon talagang problema. Aminin natin na ang mga binabanggit kong professionals, mga skilled workers ay hindi naman produkto ng lima hanggang sampung taon lang. Karamihan sa mga ito ay mga nagsipagtapos noong dekada 80, 90, hanggang sa unang bahagi ng 2000.

Kung mayroon mang mga napasama rito ay nasa mga taong 2010 pero hindi ito sapat para masabing malakas silang sektor na ipangbabangga sa ibang bansa.

Kaya nga importanteng tanggapin muna natin ang problema. Aminin natin na humina na ang ating produkto, idagdag mo pa ang tatlong taong pandemiya na sumira sa sistema ng edukasyon ng bansa at ng buong mundo.

Malaking hamon sa estado na palakasin talaga ang education sector upang makabawi tayo sa mga kahinaang ito na posibleng idinulot ng maling paraang ng K12, pandemic at ng iba pang maling proyoridad.

Kaya natin yan, iba ang Pinoy!

Tutugon tayo sa hamon ng pangangailangan ng mundo.

[email protected]