Tugboat lumubog sa Cebu, oil spill pinangangambahan
PINANGANGAMBAHAN ang pagkalat ng oil spill sa karagatang sakop ng Naga Cebu, kasunod ng paglubog ng isang tugboat sa lugar nitong Linggo.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nitong linggo ay lumubog ang MTUG SUGBO 2 sa katubigan ng Naga City, Cebu.
Agad namang rumespondd ang mga tauhan ng PCG sa lugar at naglagay ng tatlong segment ng oil spill boom dalawang bundle ng absorbent pads at apat na segment ng absorbent boom para makontrol ang oil spill.
Sa inisyal na imbestigasyon, tumawag sa PCG ang Mtug Sugbo 2 at inulat na nakaranas sila ng hull damage sa steering portion sa loob ng kanilang engine room.
Ayon sa kapitan ng tugboat, napansin niyang bumaha sa loob ng engine room dahil sa pagkakaroon ng four-inch diameter hole sa starboard quarter ng tugboat.
Ito aniya ang dahilan upang atasan niya ang lahat ng tripulante na alisin ang tubig sa loob ng steering room subalit nawalan ng kuryente ang tugboat.
Rumesponded rin sa insidente ang MTUG SUGBO 5 para mabigyan ng ilaw o kuryente ang nagka-aberyang tugboat subalit lumakas ang pasok ng tubig kung kaya’t inatasan na nila ang lahat ng tripulante na abandonahin ang tugboat .
Ilang oras pa ang lumipas ay lumubog na ang tugboat at namataan narin ang pagtagas ng langis sa lugar.