NDRRMC

Pinsala ng bagyo sa agrikultura P584M na

September 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 88 views

UMAKYAT na sa P584,759,593 ang pinsala ng bagyong Goring at Hanna sa agrikultura.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pinakamalaking pinsala sa agrikultura ang naiulat sa Western Visayas (P356,128,079) at sumunod ang Cagayan Valley (P192,654,704).

Umabot naman sa P29,678,492 ang pinsala sa agrikultura sa Mimaropa, P5,737,325 sa Central Luzon; at P560,990 sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Umabot naman sa P130,251,200 ang pinsala imprastraktura sa Cagayan, Western Visayas at CAR.

Nanatili sa dalawa ang naiulat na patay dahil sa pananalasa ng tatlong sama ng panahon.

Mula sa Western Visayas at CAR ang mga namatay, ayon sa Office of Civil Defense.

Isa ang naiulat na nawawala sa Western Visayas at isa ang nasugatan sa Central Luzon.

Umakyat na rin sa 514,153 katao ang naapektuhan ng masamang panahon sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, CAR at National Capital Region.

Sa nasabing bilang ng mga naapektuhan, 3,251 katao ang nasa 52 evacuation centers habang 10,052 indibidwal ang nasa labas.

Nasa 1,349 bahay ang napinsala sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas at CAR.

Nakapagtala ng power interruptions at water supply problems sa 48 na apektadong lugar sa Western Visayas.

Umaabot din sa 22 pasahero ang na-stranded dahil naapektuhan ang operasyon ng 79 sa 98 seaports sa Cagayan, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas.

Inilagay sa state of calamity ang Pototan at Laganes sa Iloilo gayundin ang Sibalom sa Antique at San Enrique sa Negros Occidental.

Sa ngayon, umabot na sa P33,675,507 tulong financial ang naipamahagi na ng gobyerno sa mga biktima ng dalawang bagyo at habagat.