Default Thumbnail

Trike driver dedo sa pamamaril

January 18, 2023 Jonjon Reyes 247 views

BULAGTA at “dead on the spot” ang isang 26-anyos na tricycle driver matapos na pagbabarilin ito ng suspek sa isang bahay sa Baseco Community, Port Area, Maynila Martes ng hapon.

Ang biktima ay binata at walang tiyak na tirahan sa Lungsod ng Maynila.

Patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na may alyas na “Blondie,” nasa 25 hanggang 30 anyos, huling nakitang nakasuot ng kulay orange na t- shirt at maong na short pants.

Ayon kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, pasado alas 4:05 ng hapon (Enero 17), nang maganap ang pamamaril sa loob ng isang tahanan sa nasabing lugar.

Ayon kay Det. Arvy Macarasig, may hawak ng kaso, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa Baseco Police Station na may isang lalaki na nakabulagta sa loob ng isang bahay.

Agad rumesponde si Macarasig kasama sina Det. Jansen Rey San Pedro at Det. Sir Christian Joseph Pineda, at dito na nakita ang isang biktima na nakahandusay at wala nang buhay, kung kaya’t agad na nilang kinordon ang crime scene.

Kasama rin ang Homicide Section ang MPD Forensic Unit na pinangungunahan ni Police Capt. Giovanni Brinquez, upang mangalap ng mga ebidensiya sa lugar.

Sa salaysay ng isang testigo, bago naganap ang pamamaril sa bahay nito, pumasok ang biktima kasama ang suspek sa loob ng kanilang kuwarto.

Ilang saglit lang nang makarinig ang saksi ng malakas na pagbigkas diumano ng “Put***ina mo…, asset ka ng pulis,” kasabay ng sunod-sunod na putok ng baril.

Sa takot ng testigo, nagtago umano ito at nakitang papalabas na ang suspek na hawak hawak pa ang baril na ginamit sa krimen saka tumakas.

Ang bangkay ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE