Default Thumbnail

Transpo, commuter groups tutol sa pagbuwag ng ARTA

October 22, 2022 Jun I. Legaspi 288 views

TUTOL ang transport at commuter groups na buwagin ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) at ideklara na “unconstitutional” ang batas na pinangalingan nito na Republic Act (RA) 11032 o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Services Delivery Act.”

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), maging ang mga grupo ng kinikilalang mga business groups tulad ng Makati Business Club (MBC) at Management Association of the Philippines (MAP) ay tutol sa panukala ng Ombudsman.

Dapat nga daw ay suportahan at palakasin pa ang ARTA upang tuluyang mawala ang “red tape” sa pamahalaan na pinagmumulan ng korapsyon, saad ni Inton.

Kung meron daw na mga gustong buwagin ang ARTA ay “mag-isip muna ng limang beses” dahil malaki ang natutulong ng ahensiya sa taong bayan lalo na sa mga ordinaryong mamamayan laban sa ilang tiwaling kawani ng gobyerno.

Ayon kay Inton, personal na karanasan nito ang pagtulong ng ARTA sa problema ng ilang taga-transport sector sa hirap na dinadanas nila noon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Aniya, umaaksyon agad ang ARTA at nagkaroon ng agarang solusyon sa problema. Mabilis din daw ang ARTA at may inisyatibong magsaliksik at mag-imbestiga sa ikalulutas ng problema, saad ni Inton.

“Mapapabilis ang pag-apruba ng mga aplikasyon sa pamahalaan nang hindi na kailangan magsampa ng demanda. Sa totoo lang maraming requirements sa pagkuha ng mga dokumento, aplikasyon ng prangkisa at iba pa na mahirap makuha at sa totoo lang hindi na kailangan pa,” ani Inton.

“Kailangan ang ARTA. Na siguraduhin na walang ‘arte-arte’ sa mga transaksyon ng pamahalaan para sa mga tao. Kaya tuloy dahil sa mga pahirap policies sa mga ahensiya dumadami ang ‘fixers’ na pinagkakakitaan ang mga pahirap policies. Kaya doon sa mga gustong buwagin ang ARTA, maka-Bayan at maka-Diyos ba kayo?” tanong ni Inton.

AUTHOR PROFILE