Victims Sinisiyasat ni Det. Sir Christian Joseph Pineda ng Homicide Section ang wala ng buhay na biktima matapos pagtulungan patayin umano ng mga tumakas na suspek sa Tondo. Kuha ni JON-JON REYES

Tomboy pinagtulungang ‘todasin’ sa Tondo

March 11, 2023 Jonjon Reyes 530 views

TATLONG magkakapatid na kalalakihan ang mabilis na tumakas matapos pagtulungan patayin ang isang 21-anyos na “tomboy” umano sa loob ng isang bahay sa Barangay 105, Tondo, Maynila, madaling araw nitong Biyernes.

Dead on the spot ang biktima, 21, ng Bgy. 82, sa Tondo, Maynila.

Batay sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng MPD (Manila Police District) Homicide Section, bandang 12:30 ng madaling araw, nang itawag sa kanilang opisina ang insidente.

Agad rumesponde si Det. Sir Christian Joseph Pineda, na siyang may hawak ng kaso kasama ang mga operatiba ng PNP-Forensic ng MPD sa pamumuno naman ni P/Lt. Jonathan Pacus sa isang bahay upang magsagawa ng imbestigasyon at mangalap ng mga ebidensiya laban sa tatlong magkakapatid.

Narekober ng mga operatiba ang kulay itim na kordon ng kuryente na ginamit sa pagpatay umano sa biktima.

Base sa report ni Pineda, habang nasa carousel ang biktima, kasama ang ilan nitong kabarkada na nagkukuwentuhan, nang dumating ang tatlong suspek.

Ayon sa ginawang report ng imbestigador, sinubukang awatin ng biktima ang nag-aaway na isa sa mga suspek at ka-live-in partner diumano nito upang maiwasan ang sakitan.

Dito na nagalit ang mga suspek sa ginawang pag-awat umano ng biktima na biglang diumano pinagbuntungan ng galit ng tatlo.

Inakala pa ng biktima na malamig na ang sitwasyon kung kaya’t nang magpaalam na ito pasado alas-12 ng hatinggabi at nang papalabas na sana ang biktima mula sa loob ng carousel ay dito na biglang sumulpot ang isang suspek at puwersahang kinaladkad papasok sa kanilang inuupahang bahay.

Pinagtulungan nila itong dalhin sa loob ng bahay, hanggang sa itinali ang dalawa nitong kamay umano.

Hindi pa nasiyahan ang magkakapatid nang “bigtihin” nila diumano ang biktima at nang makita itong wala ng buhay, ay dito sila agad na nagsitakas.

Habang papatakas ang isa sa mga suspek nabanggit pa nito sa isang testigo na may napatay sila sa loob ng kanilang inuupahang bahay kaya’t agad namang pinuntahan ito ng testigo ang pinangyarihan at dito na tumambad ang wala ng buhay na biktima.

Subalit dahil sa takot ng testigo na baka madamay siya sa krimen, nagpasya na itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang kanyang natuklasan at nagkataong naman na may mga nagpapatrolyang mga barangay tanod.

Agad namang nagtungo ang mga barangay tanod sa Smokey Mountain PCP MPD sakop ng Station 1 upang ireport ang nangyaring krimen.

Samantala, agad naman iniutos ni MPD Director Police Brigadier General Andre P. Dizon na magsagawa ng manhunt operation laban sa magkakapatid na suspek.

AUTHOR PROFILE