Pasada

Tigil pasada sa Maynila di ramdam, waley wenta

April 15, 2024 Edd Reyes 88 views

PALTOS at mintis ang unang araw na tigil-pasada ng Manibela at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa Maynila dahil wala ni isa mang commuter na nagreklamo na nahirapang makasakay, ayon sa lokal na pamahalaan.

Sa pahayag ng tanggapan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan, sa pamamagitan ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng alkalde, nasalo lahat ng commuters ng “Oplan Libreng Sakay” na inimpose ng Maynila para sa lahat ng commuters.

Sinabi ni Atty. Abante na minonitor ng Manila Police Department (MPD) Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga posibleng maaapektuhang ruta para paghandaan ang mga mai-stranded na pasahero.

May 80 sasakyan mula sa MPD, MTPB at MDRRMO ang ipinoste sa iba’t-ibang lugar sa lungsod para magsakay ng libre sa oras na maipon ang stranded na pasahero.

Nilinaw naman ng tanggapan ni Mayor Honey na hindi nagsakay ang mga naka-standby nilang sasakyan sa mga lugar na may sapat na pampublikong transportasyon na bumibiyahe para hindi maagawan ng kita ang mga tsuper.

Nauna ng ipinahayag ng dalawang grupo na hindi makatarungan ang hindi pagpapalawig pa sa deadline ng jeep phaseout dahil hindi pa naman tapos ang isinasagawang pagdinig ng Kongreso sa modernization program ng mga pampublikong sasakyan, bukod sa may nakabinbin pa silang petisyon sa Korte Suprema hinggil dito.

AUTHOR PROFILE