Default Thumbnail

Pulis-pulisan nanggulo sa QC resto bar, arestado

April 15, 2024 Melnie Ragasa-limena 45 views

INARESTO ng pulisya ang isang lalaki at ang dalawa pang kasamahan nito matapos na magpakilalang pulis ang una at nanggulo umano sa isang resto bar sa Quezon City nitong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Redrico A Maranan ang mga suspek na sina Paul John Mark Villanueva Borres, 28; Froilan Lualhati Casuco, 47, kapwa residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City, at Joylyn Bohol Saballe, 34, ng Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.

Ayon kay P/Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz, Station Commander ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13), alas-4:30 ng madaling araw (April 14) nang pumasok sa Good Vibes Bar sa IBP road, Brgy. Payatas, ang mga suspek na sina Casuco at Borres na kapwa lasing.

Matapos ay bumunot si Casuco ng baril at nagpakilalang isang pulis, na nagdulot ng tensiyon sa mga customer doon at nagkaniya-kaniya nang takbuhan palabas ng bar.

Nagkataon na nagpapatrolya sa lugar ang Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng PS 13 at naispatan ang kaguluhan kaya agad na rumesponde at nakita si Borres na may nakasukbit na baril sa baywang.

Dahil dito, hinanapan si Borres ng dokumento sa baril pero wala itong naipakita, habang ang kasamang si Casuco na nagpakilalang pulis ay nakunan naman ng extended magazine dahilan upang sila ay arestuhin.

Binitbit din ng mga pulis si Saballe matapos na humarang nang aarestuhin sina Borres at Casuco.

Narekober sa kanila ang isang unit .45 caliber Armscor pistol na may magazine na kargado ng walong bala at isang extended magazine na may kargang sampung live ammunition.

Si Borres at Casuco ay kakasuhan ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Art. 155 ng RPC o ang Alarms and Scandals.

Bukod pa rito, si Casuco ay sasampahan din ng paglabag sa sa Art. 177 ng RPC (Usurpation of Authority o Official Functions) habang si Saballe ay kakasuhan ng PD 1829 (Obstruction of Justice, at Art. 151 ng RPC (Resistance and disobedience to a person in authority or the agents of such person).