The power of the people vs the Supreme Court

May 23, 2022 Erwin Tulfo 202 views

TulfoILANG araw na lang at malalaman na natin kung sino ba talaga ang mas makapangyarihan sa bayang ito. Ang taongbayan ba o ang korte?

Tinanggap kasi kamakailan ng Korte Suprema ang reklamo o kaso na inihain ng isang grupo para pigilan ang proklamasyon ni presumptive President Bongbong Marcos ngayong linggo.

Pinagpapaliwanag ng korte ang Comelec at ang kampo ni BBM kung bakit hindi dapat pigilin ang proklamasyon ni BBM na nakakuha ng higit 31 milyon na boto…na kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa.

Ayon kasi sa mga naghain ng petisyon, sa pangunguna ni dating SC Spokesman Theodore Te, dapat kinansela na raw ng Comelec ang certificate of candidacy ni BBM noong mag-file ito ng kanyang kandidatura.

Dagdag pa ng grupo, ang hindi raw pag-file ng income tax ni BBM ay sapat na para siya ay ma-disqualify.

Ibinasura ng Comelec ang petisyon ng nasabing grupo noon dahil walang nakikitang paglabag sa tinatawag na “moral turpitude” si BBM ayon sa electoral body.

Pero hindi ito matanggap ng nasabing grupo, at ngayon ay inakyat na nila ito sa Kataastaasang Hukuman bagamat malinaw ang gusto ng nakakaraming Pinoy.

Nais kasi ng 31 milyong Pilipino na si BBM ang mamuno sa bansa sa susunod na anim na taon pagsapit ng July 1.

Ito’y sa kabila ng kaliwa’t kanang pagbatikos sa kanya at sa kanyang pamilya nitong kampanya.

Nagsanib-pwersa na nga ang makakaliwa, mga dilawan, ang simbahan, mga pribadong paaralan, at negosyante at mga mayayaman para ikampanya si VP Leni Robredo.

Ngunit noong May 9 nga, higit 50 percent ng mga botante o 31 milyon katao ang pinili si BBM kaysa kay Robredo na maging sunod na pangulo.

Nakatuon ngayon ang tingin ng lahat sa Korte Suprema kung ano ang magiging desisyon nito pipigilin ba nila ang proklamasyon ni BBM o hahayaan na lamang nila ito?

Ayon sa ilang senador magkakaroon ng “constitutional crisis” kung haharangin ng SC ang pagproklama ng kongreso kay BBM ngayon linggo.

Magkaiba kasi ng powers ang Korte Suprema na nasa hudikatira habang ang Kongreso naman ay ang lehislatura.

Ayon sa konstitusyon hindi maaaring diktahan o pakialaman ng isa’t-isa ang kani-kanilang mga gawain.

Ang tanong ngayon, pwede bang harangin o tablahin ng Korte Suprema ang kagustuhan ng mas nakakarami Pilipino – na si VVM ang mamuno ng Pilipinas sa susunod na anim na taon?

AUTHOR PROFILE