Taxi driver pumalag sa holdup, 2 suspek timbog

January 9, 2022 Melnie Ragasa-limena 172 views

NADAKIP ang isang tattoo artist at kasama nito makaraang manlaban ang driver ng sinakyang taxi na kanila umanong hinoldap sa Quezon City nitong Sabado ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si George Gellior Dequito Jr., 51, may asawa, taxi driver, tubong Isabela, Negros Occidental at naninirahan sa 12 A Luna St., Project 4, QC.

Agad namang nadakip ang mga suspek na sina Stephen Pacardo, a.k.a. Boboy, 23, residente ng Blk 26 Lot 8 PUD Site, Brgy. Escopa 3, Project 4, QC, at John Joshua Barcelon, aka Jhay, 26, tattoo artist, at naninirahan sa 350 P. Tuazon Boulevard, Brgy. Milagrosa, Project 4, QC.

Sa report ng Project 4 Police Station 8 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 8:30 p.m. (January 8), ng maganap ang insidente sa loob ng Aiva Michelle Taxi (ACD 2459) sa Aurora Boulevard, Brgy. Bagumbuhay, Project 4, QC.

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Steve M Maico ng PS 8, sumakay ang mga suspek sa taxi ng biktima sa harap ng Quirino Memorial Medical Center at nagpahatid sa World City Colleges (WCC) sa nasabing lugar.

Pagdating sa harap ng WCC ay biglang nagdeklara ng holdap ang mga suspek habang nakatutok ang patalim sa leeg ng taxi driver.

Nanlaban ang taxi driver at naagaw niya ang patalim sa mga suspek dahilan upang magsitakas ang mga ito patungong Cubao.

Nagkataon namang namataan ng mga tanod ng Barangay Silangan na sina James Miranda Floresca at Marlon Ordoñez Cabuñag ang papatakas na mga suspek kaya hinabol nila ito at naaresto.

Nakapiit na ang mga suspek habang inihahanda ang kasong robbery hold-up laban sa kanila.