Default Thumbnail

Tawag ng mga ‘manny’

February 13, 2023 Allan L. Encarnacion 247 views

Allan EncarnacionHINDI ko alam kung natawagan na kayo ni alyas “manny” o maniningil ng utang ng iba.

Dalawang ulit akong tinawagan ng lending company sa loob ng isang linggo para itanong kung kakilala ko ang isang tao na may utang sa kanila.

Tunog kakilala ko naman iyong tao. At ang tumawag ay inuutusan akong magbigay ng mensahe sa may utang sa kanila kasi raw ako ang ginamit na reference. Ginawa pa akong messenger!

Hindi raw nagbabayad at hindi raw nakikipag-usap ang may utang kaya ako na raw ang tinawagan nila.

Tanong, sino naman ako para tanggapin ng isang lending company bilang reference? Hindi naman Allan de Zobel de Ayala or Allan Lucio Tan ang aking pangalan para paniwalaang may pera at kayang mag-guarantor sa mangungutang sa kanila?

Ang mas importanteng tanong, bilang lending company, hindi ba’t alam dapat nila iyong tinawag na due diligence or mabusising pag-iimbestiga sa background ng mangungutang sa kanila at lalo na sa ginagamit na reference bago sila magpautang?

Ang karaniwang proseso kung talagang susundin nang tama, kung ako ay mangungutang tapos ang ilalagay kong reference ay si Juan dela Cruz, dapat tawagan nyo muna si Juan dela Cruz para tanungin kung una: kakilala nga ba niya ang nangungutang, pangalawa, kaya bang magbayad ng nangungutang at pangatlo, pananagutan ba ng rerefence ang nangungutang.

Ang problema, lumilitaw na hindi ito ginawa ng lending company kaya ngayong sinuba na sila ng nangutang sa kanila, ikaw na ginamit na reference na walang kaalam-alam ang pinipinsala nila ngayon.

Kasuwapangan yan ng lending company na basta na lang magpapautang nang hindi ginagawa ang tamang proseso kaya talagang prone kayo sa panunuba.

Ano naman pakialam ng reference sa nangungutang, lalo na’t hindi naman pinaalam kung ano ang ginagawa ng nangungutang sa buhay niya?

Paging Bangko Sentral ng Pilipinas.

[email protected]