Marven

Tambalang MarVen paandar ang ginawang ‘mediaconmmute’

April 18, 2024 Ian F. Fariñas 74 views

PAANDAR ang katatapos na “mediaconmmute” ng tambalang Marco Gallo at Heaven Peralejo (MarVen) kung saan nagkaroon ng mini-tanungan portion ang magka-loveteam sa press habang bumibiyahe mula Quezon City patungong Alabang para sa kanilang latest team-up na Men Are From QC, Women Are From Alabang mula sa Viva Films, MediaQuest Ventures, Sari Sari Network at Studio Viva.

Bihira itong mangyari (kung meron na nga) sa history ng media conferences.

Sinamantala na nga ng entertainment writers ang pagkakataong magbato ng ilang mga katanungan kina Heaven at Marco habang nasa biyahe papunta sila sa venue ng mediacon, ang Boteyju sa SM Southmall.

Biro nga ng ilan, napanis ang traffic sa EDSA sa pakulong ito ng dalawa sa hottest Gen-Z stars.

Anyway, ang Men Are From QC, Women Are From Alabang ay hango sa best-selling na libro ni Stanley Chi na may kaparehas ding titulo.

Kwento ito ng magkarelasyong magkakalabuan dahil sa ilang pagsubok sa paglago, kasiguraduhan sa isa’t isa, seguridad at distansya ng Quezon City at Alabang.

Iikot ito sa love story nina Tino (Marco) at Aica (Heaven) mula sa kani-kanilang point of view.

Opposites sina Tino at Aica na magtatagpo sa trabaho at mahuhulog sa isa’t isa.

Kahit na may kanya-kanyang problema at maraming pagkakaiba, hindi nila mapipigilang gustuhin ang isa’t isa at mananatiling matibay ang kanilang relasyon habang sinisimulan ang kanilang mga karera.

Nang lumipat ng trabaho si Tino, daraan sa matinding pagsubok ang kanilang relasyon. Magkakaroon ng distansya sa pagitan nila, bibigat ang mga responsibilidad sa trabaho at hihirap ang paglalaan ng oras at enerhiya para magkita.

Hanggang kailan tatagal ang isang relasyon na kulang sa pagpapakita ng emosyon at oras? Tuluyan na lang kaya silang mawawalan ng pagmamahal para sa isa’t isa?

Magawan pa kaya ng paraan nina Tino at Aica na sagipin at ayusin ang kung anong mayroon sila, o sadyang hindi sila ang para sa isa’t isa?

Ang balik-tambalang ito ng MarVen ay mula sa direktor ng hit Viva One series na Safe Skies, Archer, si Direk Gino Santos.

Bago ang Men Are From QC, Women Are From Alabang, nagsama at nagbida rin sina Heaven at Marco sa still showing na pelikulang Sunny, Pinoy adaptation ng hit Korean movie, at The Ship Show na pinamahalaan naman ni Direk Jason Paul Laxamana.

Sa telebisyon unang pumatok ang MarVen sa Viva One series na The Rain In España, kung saan nagkaroon ng maraming shippers ang tambalan nila.

Kaya humanda nang kiligin at makaranas ng heartbreak kasama sina Heaven at Marco sa Men Are From QC, Women Are From Alabang na mapapanood na sa mga sinehan nationwide simula May 1.

AUTHOR PROFILE