Default Thumbnail

Tama ang mandatory scouting

May 18, 2023 Allan L. Encarnacion 246 views

Allan EncarnacionHINDI lang ata sampung ulit ko nang naisulat sa halos lahat ng diyaryo na napasukan ko ang panukalang gawing mandatory ang scouting sa ating mga elementarya.

Dito sa People’s Tonight, naisulat ko rin ito noong Agosto 3, 2022 at may mga nauna pa akong ganitong artikulo sa Taliba noon at sa iba pang diyaryo na aking nasulatan.

Natutuwa tayo na ganito rin ang gustong mangyari ni Vice President Sara Duterte na siya ring Kalihim ng Department of Education.

Ayon kay VP Sara, malaking bagay sa pagkatao ng mga kabataan kung sila’y mapapabilang sa Boy Scout at Girls Scout of the Philippines.

Alam ni Sec. Sara na malaki na ang pinagbago ng karakter ng mga bata noon kung ikukumpara sa mga kabataan ngayon na walang inatupag sa maghapon kung hindi ang tumutok sa gadgets.

Hindi mo mautusan, hindi makapokus sa mga sinasabi ng magulang at halos nawala na sa kanila ang social relation dahil puro “selfie” o sarili na lang ang kasama. Kapag uutusan mo, ang unang sagot: wait lang!

Kung minsan, doon na rin kakain sa kuwarto at hindi mo na makasabay sa hapag-kainan dahil ayaw bumitaw sa gadgets. Maging ang asal ng mga bata sa ngayon ay malayo-malayo sa aming henerasyon na magagalang, mapitagan at maingat sa mga desisyon sa buhay.

Nawala na rin ang sense of patriotism dahil hindi na nagiging bahagi ng nation-building ang maraming bata kaya tama si Vice President Sara na isama sa kurikulum sa mga paaralan ang scouting para mapalakas natin ang ating bansa mula pa lamang sa mga kabataan.

“The values that young Filipino boys learn from the Scout Movement—honesty, integrity, respect, and service to others—are necessary for our pursuit of a strong, secure, and stable nation,” sabi pa ni Secretary Duterte.

Suportado natin ang ganitong plano ni VP Sara at naniniwala akong majority ng mga magulang ay sasang-ayon sa gustong mangyari ng kalihim para na rin sa kabutihan ng kanilang mga anak.

Narito ang ating inilabas na kolum noong Agosto 3, 2022 tungkol sa scouting at ROTC:

Makailang ulit na nating binabanggit ang kahalagahan ng pagpapasigla sa Boy Scout at Girl Scout bilang bahagi ng elementary at high school extra curriculum kung gusto nating makapag-produce ng mga batang “may laban.”

Inabot ko pa ang Boy Scout sa elementary hanggang high school kaya puwede nating sabihing first person account ang ating kagustuhang makabalik ito sa bakuran ng mga paaralan.

Sa halip na pinababayaan natin ang mga batang nakatutok sa kanilang mga gadgets, mas mabuting ibalik natin sila sa produktibong socialization na walang panganib sa kanilang mental health.

Nang maging Boy Scout ako sa elementarya, doon ay nahulma kaming maging malapit sa Diyos, malapit sa kapwa tao at malapit sa pamilya. Doon din kami ay naturuang maging responsableng bata dahil nagpapalitan kami sa pagluluto, sa paghuhugas ng aming mga pinagkainan at kanya-kanya kaming pagliligpit ng higaan sa tuwing may camping.

Up close and personal, doon made-develop ang totoong socialization dahil magbubuo kayo ng patrol team at pipili kayo kung sino ang inyong patrol leader. Kayo-kayo ang magtatayo ng inyong mga tent na matutulugan at kayo-kayo rin ang magsasamang maghanda ng inyong mga pagkain sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw na camping.

Team building to the max ito sa tulong ng inyong indibiduwal talent. Ang nabuong patrol team ay maghahanda rin ng mga skit performance para sa gabi ng camp fire, may presentasyon at kompetisyon ang bawat patrol na ginagap sa gitna ng bonfire. Magkakasama kayong nagdarasal bago kumain at sama-sama kayong nag-aayos ng inyong mga kalat pagkatapos ng activities.

Wala pa kaming mga gadgets noon dahil ang pinaka-libangan namin ay ang panghuhuli ng gagamba at salagubang sa tuwing may hiking. Marami kaming natutunan sa Scouting, kasama na ang pagsibak ng kahoy at pabilisang magparingas ng inyong mga gatong sa pagluluto.

Kanya-kanya rin kaming imbento ng mga “yell” na siyang magiging “battle hymn” nyo sa gabi ng kompetisyon sa gitna ng nagdiringas na bonfire.

Ang Scouting ay totoong brotherhood na walang hazing, walang sakitan dahil paghuhulma talaga ito ng isang bata patungo sa isang responsable at mabuting mamamayan.

Hindi natin alam kung bakit nawala ito sa maraming paaralan. Dahil nga siguro hindi naman mandatory. Mapalad pa kaming mga inabot ng Scouting hanggang high school.

Kaya nga sana maisingit din ng Marcos administration sa tulong ni VP at Deped Secretary Sara Duterte ang pagbabalik ng scouting kahit doon lang sa elementarya. Naniniwala akong ang pagbuhay sa ROTC at Scouting ay makakatulong nang malaki para makalikha tayo ng mga kabataang may respeto sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay mula sa kapwa, pamilya, bandila at sa kanyang bansa.

[email protected]