Ria

Sylvia sa bashers ni Ria: ’Pag inggit, pikit!

January 22, 2023 Vinia Vivar 193 views

Beaute

Hindi apektado si Sylvia Sanchez sa mga negatibong komento ng mga basher sa anak niyang si Ria Atayde bilang bagong White Castle Whisky calendar girl.

Para sa mga basher kasi, walang “K” or karapatan si Ria na maging calendar girl dahil chubby raw ito at hindi sexy.

“May mga nangba-bash kay Ria pero wala akong pakialam sa kanila,” sey ni Ibyang nang makausap ng entertainment press sa grand opening ng Beautederm Corporate Headquarters sa Angeles City.

“You know why? Masaya ang buhay ng anak ko, masaya kaming pamilya, okay ang anak ko, so alam mo ‘yun? Bakit ko iintindhin ‘yung mga taong basher na walang mga mukha?”

“Mas priority ko ang kaligayahan ng anak ko, mas importante sa akin si Ria kesa sa mga basher. Ngayon, may kasabihan nga, ‘pag inggit, pikit,’” sey pa ng award-winning actress.

Nang dumating daw ang offer kay Ria para maging calendar girl, pumayag siya dahil bakit naman daw hindi.

Ang pagiging sexy daw ay hindi lang sa pisikal na kaanyuan kundi sa pangloob din.

“Ang katawan kasi, pwedeng i-exercise, pwede kang maging sexy. Pero para sa akin, ang kabuuan ng pagiging sexy, kung mabuti kang tao. Ang sexy sa akin, ang puso ng isang tao.

“Mas gusto kong makita ‘yung isang sinasabi n’yong may laman o voluptuous kesa sa payat na masama ang ugali. Mas gusto ko sa voluptuous na mayroong mabuting puso. ‘Yun ang sexy para sa akin,” paliwanag ni Ibyang.

Samantala, star-studded ang grand opening and ribbon-cutting ceremony ng Beautederm Corporate Headquarters.

Bukod kay Ibyang, dumalo rin ang iba pang Beautederm Ambassadors tulad nina Bea Alonzo, Korina Sanchez, Anna Feo, Ynez Veneracion, Darren Espanto, Boobay, Alynna Velasquez at Lorna Tolentino.

Masayang-masaya ang CEO ng Beautederm na si Rhea Anicoche-Tan dahil natupad na ang isa sa mga pangarap niya at ito ay magkaroon ng sariling building.

Ang nasabing establishment ay all-in-one na may sariling coffee shop (Beaute Beanery), high-end boutique (A-list Avenue), derm clinic (Beautehaus) at mayroon din itong studio for pictorials and photo shoots.

“This building is more than just a structure. This building is a testament to what hard work and a lot of faith could accomplish,” pahayag ni Miss Rhea.

AUTHOR PROFILE