Bigti Ang suspek sa rape-slay ng walong anyos na batang babae habang inilalabas sa banyo ng kanyang piitan para isugod sa ospital. Kuha ni GEMI FORMARAN

Suspek sa rape-slay ng 8-anyos nakitang nakabigti sa selda

June 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 493 views

NAKITANG nakabigti sa loob ng selda ang suspect sa panggagahasa at pagpatay sa isang walong-anyos na batang babae sa Lucena City.

Batay sa inisyal na ulat ng Lucena City Police, natagpuan ang bangkay ni Julius Rodas, 19, nitong Linggo na nakabitin sa palikuran ng kanilang selda.

Dinala pa si Rodas sa pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Si Rodas ay naaresto ilang oras matapos matagpuan ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa Gulang-Gulang, Lucena City nitong Miyerkules ng tanghali.

Matatandaang ang suspect ang siya mismong nagturo sa mga pulis kung saan matatagpuan ang bangkay ng biktima na una nang iniulat na nawawala matapos utusang bumili ng kape ng kanyang ama.

Walang saplot sa katawan, may busal ang bibig at nakagapos nang matagpuan ang biktimang itinago sa pangalang Rose Ann.

Nang maaresto ang suspect, inamin nito ang krimen at sinabing binigyan niya ang bata ng P100.00 para sumama sa kanya. Nina GEMI FORMARAN, ZAIDA DELOS REYES