Default Thumbnail

Suspek sa pagnakaw, pangmolestiya ng Indian nat’l sa Cubao nasakote

November 25, 2022 Melnie Ragasa-limena 223 views

NASAKOTE ng pulisya ang isa sa mga suspek na nagnakaw ng P4 milyong cash at nangmolestiya pa ng isang Indian national sa loob ng kanilang tinitirhang condo unit sa Cubao, Quezon City.

Nahaharap sa kasong robbery at acts of lasciviousnesa ang suspek na si Rommel Camacho, 27, vendor at naninirahan sa 6th Floor ng New York Mansion na matatagpuan sa No. 84 Montreal St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Ayon sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang suspek ay kapitbahay ng mga biktima.

Sa report ng Cubao Police Station (PS 7), naganap ang insidente sa pagitan ng alas 3:00 hanggang 4:00 ng madaling araw (November 17), sa kuwarto na inookupa ng mag inang biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PEMS Vivian Umpad ng Womens and Children Protection Desk ng PS 7, habang natutulog ang mag-ina, ay nagising umano ang Indian national (kapwa hindi binanggit ang pangalan), nang sakalin siya ng isa sa dalawang suspek at may isinubo sa kaniyang bibig.

Hindi pa umano nakuntento ay sinaksak pa ang Bombay ng patalim sa kaliwang dibdib.

Nang mawalan ng ulirat ang Bombay ay minolestiya ang kaniyang anak na batang babae, at pagkatapos ay saka nilimas ng mga suspek ang cash money na nagkakahalaga ng higit kumulang sa P4,000, 000 na nasa cabinet saka tumakas.

Makalipas ang ilang minuto, bagamat may tama ng saksak sa dibbdib ay tumawag ang Bombay sa mga guwardiya ng condo at inireport ang nangyari sa kanilang mag-ina.

Nahuli ang suspek sa isinagawang follow up operation ng QCPD-CIDU.

Positibong itinuro ng mga biktima ang nasakoteng suspek na siya umanong nanloob sa kanilang tinitirhan.

Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang kasabwat ng suspek.