Lito Lapid

SUPREMO NG MASA

March 10, 2024 People's Tonight 176 views

Bida ng Masang Pilipino

PAANO ba isasapapel ang unang pitong dekadang buhay ng isang Lito Lapid?

Sabay sabay po nating alamin sa pamamagitan ng kolum na ito. Nagpapasalamat po tayo sa pamunuan ng People’s Tonight, sa pangunguna ng ating Editor-in-Chief na si Tess Lardizabal, sa pagkakataong ito na maibahagi ang ilang tagpo sa aming buhay at ang aming pananaw sa ilang mga isyu na napapanahon sa ating lipunan.

Marami pong nakakakilala sa atin bilang incumbent na Senador at dating Bise-Gobernador, at kalauna’y Gobernador sa aking probinsyang Pampanga. Sa aking career naman bilang isang artista, may tumatawag pa rin sa akin na “Pinuno” dahil sa aking naging bahagi sa “FPJ’s Ang Probinsyano” at “Supremo”, mula sa aking role sa “FPJ’s Batang Quiapo.” Mayroon pa rin naman tayong mga tagahanga na inabutan pa ang aking mga pelikula gaya ng “Leon Guerrero,” “Kamagong”, “Ben Tumbling,” at “Kalibre .45” kung saan kami nagtambal ng yumaong Fernando Poe, Jr.

Subalit bago po nakarating sa lahat ng yan ay nagsimula po tayo sa pinakapayak na kalagayan. Ako po ay isinilang noong August 21, 1955 sa Porac, Pampanga. Simple lamang po ang buhay noon.

Ang ating bansa noon ay umaahon matapos ang World War II. Si Ramon Magsaysay po ang pangulo ng ating bansa. Ang bayan po ng Porac ay isang malawak na bukirin.

Ang aming tahanan dati ay barung-barong lamang subalit naging sapat na silid po ito ng aming malalaking mga pangarap. Ang tatay ko pong si Jose at ang tito kong si Jesse Lapid, Sr. ay nagtatrabaho bilang mga stuntman. Sa mura po naming gulang, tumulong na po kaming magkakapatid sa mga gugulin sa aming sambahayan sa pamamagitan ng anumang trabahong tatanggap sa amin.

Naranasan naming maglako ng mga paninda, maging kargador sa palengke, at iba-iba pang hanapbuhay na kayang naming gawin bilang mga binatilyo sa Porac. Hindi po namin alintana ang hirap ng gawain o panganib sa aming sarili sapagkat naunawaan po namin na kailangan naming gawin ang lahat ng iyon para po sa aming pamilya.

Kaya po ngayon sa Senado ay dala ko po ang aking karanasan bilang bahagi ng masang Filipino. Naranasan po namin kung paano mamuhay na hindi makakakain kung hindi magtrabaho. Subalit hindi po namin kailanman kinahiya ang aming mahirap na kalagayan. Hindi man marami ang aming salapi, alam namin sa aming puso na paglipas ng panahon at awa ng Maykapal ay magbubunga ang aming mga pagsisikap para abutin ang aming mga pangarap.

Ganito ko po nakikita ang marami sa ating kababayan. Kailangan lamang po ng pagkakataon na maipakita na handa tayong magpunyagi para sa ating mga pamilya at mga mahal sa buhay.

Hangad ko ang mabuting kalusugan para sa lahat. Bawal pong magkasakit..Ingat palagi!. NI Lito Lapid

AUTHOR PROFILE