Joey Papa

Sociopath, pathological liar

March 10, 2024 Joey C. Papa 76 views

ANONG sakit daw ang ganito, sasabihin pero babawiin at hindi daw niya sinabi ang mga binitiwang salita?

May isa akong kilala noong nag-aaral pa ako na maraming sinasabing halata naming kasinungalingan ngunit sa tuwing tatanungin siya sa guidance cousellor’s office namin, ipagkakaila niyang sinabi niya ang mga bagay na sinabi niya.

Congenital liar, pathological liar, or sociopath?

Nitong pagkatapos ng kolehiyo, may nakilala akong isang malayong kaanak na magaling magsalita at napapabilib ang marami kahit mga taong may matataas na tungkulin sa pamahalaan.

Galing siya sa isang mayamang pamilya kaya marami sa nakakakilala sa kanya ay mabilis niyang mapapaniwala sa mga sinasabi niya.

Ang biruan nga ay kaya niyang maibenta ang buwan at langit at maging ang mundo.

Maganda ang itsura niya at kung magkaminsan ay mga mamahaling mga kasuotan at sasakyan ang lagi niyang minamaneho.

Minsan sa isang umpukan ay nagkuwento siya na isang matalik na kaibigan niya ang may-ari ng isang manufacturer ng kotse at makukuha niya ang isang bagong unit sa mababang halaga lamang.

Sa liit ng halagang sinabi niya, marami ang nagkainteres at handang magbayad na agad. May ilang nagpakita ng duda.

Ngunit mahusay nga siyang magkuwento at may kasama pang computation.

Kahit ako, kahit may kaunting pagdududa, sa hangaring magkaroon ng bago at murang sasakyan ay nagsabing bibili rin.

Wala naman siyang hinihinging deposito o anumang halaga bilang reservation fee man lamang.

Sinabi lang niya na maghintay kami at at kakausapin ang kaibigan niya na nasa isang business trip lang.

Lumipas ang ilang araw, isang linggo, maraming araw at linggo, wala na kaming nabalitaan sa kanya.

Nang magkita kami ay sinabi na lang niya na nagtaas na raw ng presyo ang kumpanya at hindi na ito mabibili sa mababang halaga.

Natawa na lang kami at napakamot ng ulo na kung bakit kasi pinapatulan namin siya gayong alam naman naming sinungaling nga siya.

Bago magpandemic ay camera naman ang sinabi niyang may mabibiling mura. Natawa ako pero nagpakita pa siya ng litrato ng ibinebentang camera.

Sinabi kong interesado ako at ang sagot niya ay kakausapin niya ang nagbebenta.

Maganda ang camera at ang brand ay mamahalin.

Wala na akong narinig sa kanya mula noon.

Mabait naman siya. Sinungaling lang talaga. Tila nakatandaan na niya ang mambola, manloko na tila ikinaliligaya pa niya.

May kilala ba kayong ganitong tao? Mag-ingat kayo.

AUTHOR PROFILE