Default Thumbnail

Sundalo patay, 2 pa sugatan sa pamamaril sa Mamasapano

March 23, 2023 Zaida I. Delos Reyes 245 views

PATAY ang isang sundalo habang sugatan naman ang isang kasamahan nito kabilang ang isang sibilyan matapos na paulanan ng bala ng hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) habang nagbabantay ng checkpoint nitong Miyerkules sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Kinilala ang nasawi na si First Class (PFC) Jorey Abibas ng Libungan, North Cotabato.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na sina PFC Jonathan Nacion ng Pigcawayan at sibilyang si Asidza Bayao na tinamaan ng ligaw na bala.

Ayon kay Brig. Gen. Oriel Pangcog, commander ng 601st Infantry Brigade (IB) ng Philippine Army (PA), naganap ang insidente dakong 9:00 ng umaga sa nasabing lugar.

Binabantayan umano ng mga tauhan ng 3rd Mechanized Company ng 2nd Mechanized Infantry Battalion ang checkpoint sa lugar nang dumaan ang mga suspect lulan ng isang mini van at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga sundalo.

Naniniwala ang militar na ang mga suspek ay miyembro ng BIFF na nagnanais na ipaghiganti ang kanilang kasamahan na si Abdulkarem Lumbatan Hasim alias “Commander Jacket” na nasawi sa engkuwentro sa pagitan ng militar sa Tacurong City, Sultan Kudarat kamakailan.