Default Thumbnail

Stop na muna ang ayuda!

September 7, 2022 Allan L. Encarnacion 329 views

Allan EncarnacionTAMA naman si Finance Secretary Ben Diokno na itigil na ang mga wholesale doleout o iyong maya’t mayang ayuda dahil sa pandemic.

Sa tingin ko, ang batayan ni Sec. Diokno rito ay nakabalik na ang karamihan sa trabaho nang magluwag ang gobyerno.

Hindi biro ang bilyun-bilyong pisong inilalabas sa pag-ayuda sa marami nating kababayan. Sapat na marahil ang dalawang taon na paglalabas ng pondo ng pamahalaan para makabalik na sa normal ang maraming manggagawa.

Pati iyong 4Ps na ginagastusan ng pamahalaan ng bilyun-bilyong piso taun-taon ay dapat na ring magkaroon ng maayos na regulasyon.

Maraming 4Ps beneficiaries ang nasa listahan na magmula pa sa panahon nila former Presidents Arroyo, Aquino at Duterte na hanggang sa panahon ngayon ni PBMM ay naroon pa rin. Mula sa balahibong pusa, tinubuan na ng tahid, umaasa pa rin sa gobyerno.

Ang sistema dapat ng 4Ps, dalawang taon ka lang dapat nasa listahan para mabigyan naman ng tiyansa ang iba. Ikaw na dalawang taong sinusuntetuhan ng pamahalaan ay dapat lang na nakapagtrabaho na pagkatapos ng prescribed period. Tindi mo naman sa pagkabatugan kung dalawang taon na, ayaw mo pang magtrabaho!

Dapat malinaw sa 4Ps na hindi lifetime ang ayuda ng pamahalaan. Bigyan natin ng tiyansa ang ibang kababayan nating mahihirap na hindi nakakasama sa 4Ps.

HIndi nga natin alam kung bakit may ibang 4Ps na mas malaki pa ang airconditioning unit kaysa sa ibang bahay ng middle class.

4Ps na panggugulang, panlalamang, pagsasamantala at pang-aabuso na yan!

Masyado naman ata silang sinusuwerte kung iyong ibang kababayan natin ay nagpapawis ng dugo para kumita samantalang ang 4Ps ay walang kahirap-hirap na tatanggap lang!

***

Nagkaroon dati ng kampanya ang DILG na alisin ang road obstruction na nagpapabagal sa daloy ng mga sasakyan sa main road man o sa mga interior streets na nagagamit bilang Mabuhay Lane.

Noong panahon ni former President Duterte, inatasan ng DILG ang mga lokalidad na linisin mga kalsada, lalo na iyong ginagawang tambakan ng junkshop, vulcanizing, gravel and sand, furnituture at kung anu-ano pang kalakal.

Pero mukhang ningas-kugon lang kasi kahit saan ka tumingin ngayon, lalo na sa bandang Caloocan City at Maynila, sangkaterba ang obstruction sa mga secondary roads.

Iyong iba, ginagawa pang terminal ng mga tricycle at pedicab kaya napakahirap dumaan.

Sana lang nakikinig ang mga local authorities sa reklamo ng mga motorista laban sa mga obstructions sa kanilang mga area of responsibilities.

[email protected]