Default Thumbnail

Sputnik member huli sa panunutok ng baril

December 12, 2021 Edd Reyes 343 views

PATONG-patong na kaso ang kakaharapin ng isang miyembro ng Sputnik Gang makaraang madakip sa reklamong panunutok ng baril, pagpapaputok at pag-iingat ng hindi lisensiyadong armas Sabado ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg ang suspek na si Zaldy Mañalac, 34, na nadakip sa ginawang follow-up operation ng pinagsanib na puwersa ng Pasay Central Park Sub-Station-4 at Novaliches Police Station sa kanyang pinagtaguang lugar sa 135 Lower Gulod, Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, humingi ng tulong si Brgy. 104 Chairman Christopher Angeles sa pulisya matapos ang ginawang panunutok at pagpapaputok ng baril ng suspek sa kanto ng Tramo at Inocencio Streets 7 p.m. ng Sabado.

Kaagad na nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Central Park SS-4 subalit hindi na nila inabutan ang suspek bagama’t nakuha sa kalsada ang isang basyo ng bala ng hindi natukoy na kalibre ng baril.

Nakausap din ng mga pulis ang nagreklamo na hindi na nagbanggit ng pangalan at sinabing nagtungo sa harap ng kanilang bahay ang suspek na armado ng kalibre .45 baril na itinutok sa kanya at binantaang papatayin.

Bago umano umalis ang suspek ay pinaputok nito ang dalang baril na labis na ikinasindak ng biktima at maging ng mga naninirahan sa lugar.

Pasado 9 p.m. nang makatanggap ng tawag si Central Park SS-4 chief P.Maj. Jonar Cardozo kaugnay sa pagkakakita sa suspek sa tinuluyan niyang lugar sa Lower Gulod, Brgy. Sauyo, Quezon City kaya’t kaagad silang nagsagawa ng koordinasyon sa Quezon City Police District (QCPD) na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

AUTHOR PROFILE