‘Sputnik Gang’ member tinadtad mg bala sa Malabon

February 20, 2022 Edd Reyes 255 views

TINADTAD ng bala ng limang armadong kalalakihan ang isang hinihinalang miyembro ng “Sputnik Gang” Sabado ng hapon sa Malabon City.

Kaagad na nasawi ang hindi pa nakikilalang biktima na nakasuot ng sando may tatak na “Nike” at kulay kayumangging short pants, may tattoo na “Queen Claire” sa tiyan at dalawang pangalan na “Arman Abu” at “Michael Villanueva” sa kanang hita na may nakalagay na logo ng “Sputnik” sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at bahagi ng katawan.

Sa isinumiteng ulat nina P/SSgt. Michael Oben at P/SSgt. Mark Alcris Caco, may hawak ng kaso, kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, naglalakad sa kahabaan ng Block 42, Lot 6, Phase 3 sa Brgy. Longos ang biktima dakong ala-1:50 ng hapon nang pagbabarilin ng limang lalaki na pawang armado ng kalibre 45 at .9mm na baril na noon ay nag-aabang na pala sa kanya.

Matapos ang pamamaslang, kaagad na nagpulasan patakas ang mga suspek patungo sa C-3 Road, bitbit ang kanilang ginamit na armas.

Nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni P/Maj. Sonny Boy Tepace sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang 11-basyo ng bala ng kalibre .45 at kalibre .9mm na baril at apat na depormadong tingga.

Iniutos na ni Col. Barot sa mga imbestigador na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay na nakakasakop sa lugar na pinangyarihan ng pagpatay, pati na rin sa mga malapit na establisimiento, upang masilip ang kuha ng kanilang close circuit television (CCTV) camera para sa posibleng pagkakakilanlan sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa pagpatay.

AUTHOR PROFILE