Mahal

Showbiz friends, inalala si Mahal

September 1, 2021 People's Tonight 304 views

Pumanaw na nga nu’ng Martes ang 46-anyos na komedyanteng si Mahal (Noeme Tesorero sa tunay na buhay) dahil umano sa komplikasyong dala ng Covid-19.

Mismong ang kapatid niyang si Irene Tesorero ang naghatid ng malungkot na balita sa pamamagitan ng isang Facebook post.

Ani Irene, “Ang aming kapatid na si Mahal ay pumanaw na. Wala pa schedule sa kanyang burol. Due to Covid.”

Meron daw pre-existing medical condition si Mahal bukod pa sa dwarfism.

Huling napanood si Mahal sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho nang puntahan niya sa Bicol ang kaibigan at dating ka-loveteam na si Mura.

Marami ang na-touch sa muli nilang pagkikita dahil nangako pa si Mahal sa kaibigan na, “Hanggang sa tumanda ako, uugod-ugo, siyempre, pupunta pa rin ako dito. Kapag may raket, aalok kita, okay? Kapag halimbawa nawala ako sa mundo, mayroon akong kaunting naitulong sa iyo.”

’Yun na pala ang huli nilang pagkikita.

Lumabas din si Mahal sa GMA series na Owe My Love at Dear Uge.

Nagluksa at inalala naman siya sa socmed ng ilang malalapit sa kanya gaya nina Rosanna Roces, Inday Garutay, atbp.

AUTHOR PROFILE