Ljpaolo

LJ, inamin ang breakup kay Paolo

September 1, 2021 People's Tonight 280 views

ILANG linggo matapos umugong ang usap-usapang hiwalay na sila ng live-in partner na si Paolo Contis, sa wakas ay kinumpirma na ni LJ Reyes na wala na nga sila ng ama ng unica hija niyang si Summer.

Ginawa ni LJ ang pag-amin sa online interview ni Boy Abunda sa The Interviewer.

In-unfollow at binura na rin ng aktres ang lahat ng mga litrato ni Paolo sa kanyang Instagram, isang bagay na una nang ginawa ng aktor bago pa man ang pag-amin ni LJ.

Sa 21-second teaser ng nasabing exclusive interview, tinanong ni Boy si LJ kung mutual ba ang desisyon nilang maghiwalay.

Sagot ng aktres, “It was so difficult, it was so painful.”

Patuloy niya, “Kung hindi lang malakas ’yung pananampalataya ko sa Panginoon, hindi ko alam kung saan ako pupulutin.”

Nang tanungin ni Boy kung sino ang unang humiwalay, ani LJ, “Matagal ko nang nararamdaman na parang nakahiwalay na siya sa amin.”

Nauna rito, nag-post din sa IG ang manager ni Paolo na si Lolit Solis at sinabing ang kawalan ng romance ang isa sa mga dahilan ng breakup.

Pinabulaanan din ni ’Nay Lolit na may kinalaman si Yen Santos, leading lady ni Paolo sa Netflix movie na A Faraway Land, sa nasabing hiwalayan.

AUTHOR PROFILE