Bureau of Customs

Serbisyo ng BOC lalong gaganda sa pagbubukas ng bagong pasilidad sa MisOr

August 26, 2023 People's Tonight 208 views

INAASAHAN ang lalo pang pagganda ng serbisyo ng Bureau of Customs (BOC) Sub-Port of Mindanao Container Terminal (MCT) sa pagbubukas ng bagong pasilidad nito sa Misamis Oriental.

Pinangunahan ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang ribbon cutting at blessing ng bagong gusali ng MCT sa Phividec Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental noong Agosto 22.

Sa bagong pasilidad ilalagay ang mga frontline office ng BOC sa MCT gaya ng Customer Care Center, Sub-port Collector’s Office, Assessment Division, Operations Division, Export Division, Piers and Inspection Division, at iba pang mahalagang departamento.

Kasabay ng mas magandang serbisyong maihahatid ay inaasahan din na mas tataas ang kita ng ahensya.

Sa kanyang talumpati, kinilala ni Commissioner Rubio ang malaking kontribusyon ng Sub-Port of Mindanao Container Terminal kung saan nanggagaling ang 51% ng kabuuang koleksyon ng Collection District X.

Pinuri rin ni Commissioner Rubio ang mga tauhan ng Port of Cagayan de Oro na pinangungunahan ni Coll. Alexandra Y. Lumontad sa kanilang dedikasyon na magawa ang mandato ng BOC: ang makakolekta ng bayaran, mapangasiwaan ang kalakalan at maproteksyunan ang border ng bansa.

Pinagtibay din ng Phivedic Industrial Authority (PIA) ang pakikiisa nito sa BOC sa pamamagitan ng pagbibigay ng 5,000 metro kuwadradong lupa nito sa Phividec Industrial Estate sa ilalim ng Usufruct Agreement.

Sa pamamagitan umano ng pagpapalakas ng Cagayan de Oro at Misamis Oriental bilang gateway ng bansa ay natugunan ng BOC ang pangangailangan ng lumalagong ekonomiya ng Northern Mindanao.

“May it inspire you to reach greater heights, and may the bonds formed within these walls become a source of strength for the years to come,” ani Atty. Joseph Donato J. Bernedo, Administrator at CEO of Phividec Industrial Authority.

Sinabi naman ni District Collector Alexandra Y. Lumontad na ang bagong gusali ay nakapagpataas ng morale ng mga kawani ng Sub-Port of MCT na nabigyan ng mas maayos na lugar na pinagtatrabahuhan.

“This will inspire them to work beyond the call of duty to maximize revenue collection, streamline customs processes, and prevent smuggling and other forms of fraud,” sabi ni District Collector Lumontad.

AUTHOR PROFILE