Imee

Sen. Imee: Hindi biro ang maging Marcos

July 24, 2022 Ian F. Fariñas 224 views

HANGGANG ngayon hindi maubos maisip ni Senator Imee Marcos kung gaano ka-star-studded ang cast ng controversial movie na Maid in Malacañang.

Hindi akalain ng panganay nina dating Presidente Ferdinand Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos na magkakaroon ng lakas ng loob ang cast, sa pangunguna nina Cesar Montano at Ruffa Gutierrez, na pangatawanan ang pagtanggap sa nasabing proyekto na prinodyus ng Viva Films sa ilalim ng direksyon ni Darryl Yap.

Aniya, “Pinangatawanan niyo itong pelikula na kung tutuusin ay problematic at kontrobersyal. Pero walang pakundangan kayong lumikha ng isang sine na inaasahan kong magiging  makasaysayan din katulad ng mga insidenteng ginanap.”

Nagpasalamat din si Sen. Imee sa Viva, partikular na sa big boss nitong si Vic del Rosario, na tinawag niyang “my long standing ally, co-conspirator in the arts, mula pa sa Metropop, wala pa sila Vincent (del Rosario, anak ni Boss Vic), and’yan na si Vic del Rosario. At ’yan ang aking kasamahan sa lahat ng bagay-bagay mula sa musika hanggang sa pelikula nu’ng 1981, umpisa pa lamang.”

Pinasalamatan din ng senadora si Direk Darryl sa pagpayag na pamahalaan ang Maid in Malacañang.

Tulad daw ng direktor, naniniwala si Sen. Imee na “art should disturb. It should confuse, it should provoke, it should seduce and it should agitate. Kaya kunsintidor kami sa isa’t isa.”

Patuloy niya, “Ang sinasabi lagi ’pag nagtutunggali o nagkakaaway-away sa dyowa man, sa kamag-anak, sa isang pamilya, palaging sinasabi, mag-usap kayo. Balikan ninyo at pag-usapan ninyo ang pinag-awayan. Ito ang ating pinagsisimulan. Hindi biro ang maging Marcos. Kaya ’eto nga, hindi lamang ito isang pelikula, this is not just a movie. It is the beginning of a national conversation that hopefully will bring us to genuine unity. Kaya’t manood po kayo at maging bahagi ng pangungusap na ito.”

Kasama rin sina Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, Karla Estrada, Beverly Salviejo, Kiko Estrada at Elizabeth Oropesa, magkakaroon ng premiere night ang pelikula sa SM North EDSA The Block Cinemas sa July 29.

Ang worldwide release ay naka-schedule sa August 3.

AUTHOR PROFILE